Ang Elevator

by Candice Baluyot | shared on He Said, She Said |

Araw-araw gigising ako ng alas kwatro,
Kakain, maliligo, at tsaka mag-aayos.
Isang araw na namang puno ng pagkabato,
Sa aking trabahong magdamag na nakaupo.

Diretso agad ako sa aking pwesto
Bago pa man may maunang umakyat sa tuktok.
Trabaho’y dalhin sila kung saan man sila patungo
Sa pamamagitan lamang ng isang pindot.

Unang pumasok ay isang maginoo.
“Third please”, sabi niya ng walang kasing amo.
“Mabuti sa katawan ang mag-hagdan”, wika ko.
Ngunit sa huli ay nginitian lamang niya ako.

Pagsapit ng hapon, tao’y di mahulugang karayom,
Pilit sumisiksik kahit kitang marami na ang nasa loob.
Gayong alam namang may hagdan sa kabilang dako,
Naghihintay lang sa isang sulok na mapansin mo.

Dalawampung palapag mayroon ang gusaling ito.
Walong oras rin akong akyat baba rito.
Kaya siguro akin nang napagtanto,
Ang elevator na ito ay halintulad sa ‘yo.

“Maghintay ka at babalik ako”, iyan ang sabi mo noon.
Ngunit ako’y napagod at sa hagdan nabaling ang atensyon.
Alam ko rin namang hindi lang ako ang iyong iniirog,
Kaya’t naghagdan na lamang ako kahit masakit sa puso.

Paglipas ng panahon, akin pang muling napagtanto,
Natutunan ko na palang mahalin ang hagdang pinili ko.
Kumpara sa ‘yo, sa hagdan ay mas matagal ang nilalagi ko
Kaya naman ang puso’y nasanay nang kapiling ito.

Ngayon malinaw na sa ‘king walang makakapag-angkin sa iyo
At siguro iyon ang naging kahinaan ng puso mo.
Mahirap makatanggi sa mga taong kumakatok
Kaya naman kahit sino ay nakakapaglabas-masok rito.

Nakakatawa dahil ngayon ay nauwi pa rin ako sa isang elevator.
Ganunpaman sa iyo’y isang bagay lang ang tinitiyak ko.
Pagsapit ng alas singko mamayang hapon,
Ang sarili kong hagdan ay naghihintay sa first floor.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

Comments Go Here ▼

Comments