Ano ba ako sa ‘yo?

by Esther Anne Cabiling | shared on He Said, She Said

Mahal, tapatin mo nga ako.
Ano ba ako sa ‘yo?
Isa ba akong tao na matatakbuhan mo,
tuwing kailangan mo ng tulong ko?
Isang babae na sasalo sa ‘yo
kung sakaling wala kang mahanap na bago?

Tapatin mo ako.
Ako ba yung tipo ng babaeng panandalian?
Yung puwedeng puwede mong landiin kahit sandali lang?

Tapatin mo ako.
Baka naman ako yung tipong hindi sineseryoso?
Yung babaeng kayang kayang palitan ng kahit na sino?

Tapatin mo ako.
Ako ba yung hindi mo kayang panghawakan?
Para kung sakaling makahanap ng iba,
Madali mo akong mabibitawan.

Tapatin mo ako.
Ako ba yung tipo ng babae na pampalipas oras lang?
Yung di mo kayang maipagmalaki
sa mga naggagwapuhan at naggagandahan mong mga kaibigan?

Tapatin mo ako.
Ako ba yung tipo na hindi pwedeng ipakilala sa magulang?
Kasi di naman ganun kaganda at di ganun ka-sexy ang katawan.

Tapatin mo ako.
Ano bang papel ko sa buhay mo?
Teka, bakit ko nga ba tinatanong sayo ‘to
Nakalimutan kong wala akong karapatan
magtanong kung ano ang pwesto ko sa ‘yo.

wala nga pala kasing tayo.
Ang meron lang ay yung ikaw at ako.

Ikaw na walang ginawa kundi ipamukha sa ‘kin na madali akong palitan.
Ako na kahit anong gawin ay di ka pa rin makalimutan.

Ikaw na hindi marunong makuntento
At ako na hindi marunong matuto

Ikaw na kahit kailan di ako binigyang halaga
Ako na hindi nagsasawang ipaglaban ka.

Ikaw na hindi ako pinaglaban
Ako na hindi ka maiwan iwan.

Uulitin ko yung tanong,
mahal, ano ba ako sa ‘yo?

Kasi ikaw?

Ikaw ang bawat magandang bagay dito sa mundo
Ikaw ang ritmo at tono sa bawat awit na kinakanta ko
Ikaw ang sumisimbolo sa araw na nagbibigay liwanag sa akin.
Ikaw ang laman ng bawat panalangin.

Pero ako? Ano nga ba ako sa ‘yo?

Isang pahina lang ba ako sa kwento ng buhay mo?
Isang liriko na hindi mo gaanong kabisado.
Isang awitin na hindi mo alam ang tono.
Isang bagay na madaling pakawalan na parang isang lobo.

Kasi Mahal ikaw,
Ikaw ang paksa sa lahat ng mga k’wento
at tulang ginawa ko.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

Comments Go Here ▼

Comments