Ano Ba Tayo?

by rosecabal | shared on He Said, She Said |

Minsan napapaisip ako
Ano ba tayo?
Sino nga ba ako sa buhay mo?
At anong mayroon sa pagitan ng ikaw at ako?

Mula nang sa bus ay magkatabi tayo
Hanggang sa inalalayan mo ‘ko noong nadulas ako
Pikit mata kong pinakiramdaman ang puso ko
Dahil nagsisimula na itong sumikdo.

Pilit kong iwinaksi ang mumunting pagkagusto
Pagkatuwa, pagkaengganyo,
Ang mga mumunting paru-paro sa tiyan ko
At pati ang pagkislap ng mga mata ko sa tuwing ngingitian mo ako.

Halos dalawang buwan ko ring inilihim
Pinatay ang nararamdaman at kinimkim
Pero sa tuwing ika’y nakatingin sa akin,
Tibok ng puso’y parang nasa karera’t matulin.

Tila isang serye sa telebisyon ang mga eksena
Tipong umasa ang isang dalaga sa lalaking bida
Ni hindi alam na lahat pala’y sa palabas lamang nakikita
Sa teleseryeng ako pala ang kontrabida at ang mahal mo ang bida.

Bakit ba naman kasi hinawakan mo pa ang kamay ko?
Bakit pinisil-pisil at hinigpitan ang hawak mo?
Bakit ang mga palad nati’y pinagsalikop mo?
Gayong alam na alam mo na aasa ako dahil ikaw ang aking gusto.

Ngunit akin rin sigurong pagkakamali
Iba ang intindi, mali ang pakiwari
Mula sa mga nakatutunaw mong ngiti
Hanggang sa tamis ng iyong mga galaw at gawi.

Nakalimot din pala ako nang tuluyan
Na para sayo’y isa lamang akong kapatid at hindi katipan
Subalit sana’y tamis ng pagsuyo’y binawasan
Para hindi na ako lalong umasa’t masaktan.

Dahil inamin ko sa’yong gusto kita noong Agosto
Ngunit noong Oktubre’y hinawakan mo ang kamay ko
Nalinlang ako’t akala ko pati puso ko’y hawak mo
Kasi hindi ko alam kung ano bang mayroon sa ikaw at ako.

Kaya’t sana bago matapos ang taong ito
Magkausap at magkalinawan na tayo
At sana sa susunod na pagkakataong hawakan mo ang kamay ko
Alam ko na kung ano ba tayo.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

Comments Go Here ▼

Comments