Apat na sulok ng k’wartong ito

Apat na sulok

ni Esther Anne Cabiling |

Bagong umaga, bagong pag-asa
Yan ang laging banggit nila

Bumangon, kumain, naligo
Pero saan nga ba ako tutungo?

Gusto kong umalis, gusto kong lumayo
Gusto kong umiyak, gusto kong maglaho

Gusto kong kumain, gusto kong sumayaw
Gusto kong sumaya, gusto kong sumigaw

Gusto kong mag inom, gusto kong malasing
Gusto kong makalimot, gusto kong mapansin

Di ko alam kung saan ako dadalahin ng mga paang ito.
Kahit na saan, wag lang sa apat na sulok ng kwartong ito.

Dahil sa apat na sulok ng kwartong ito
Bumabalik lahat ng pangakong napako mo

Sa apat na sulok ng kwartong ito
Paulit ulit tumatakbo sa isip kung ano nga ba ang kulang ko.

Dito sa apat na sulok ng kwartong ito
Walang tigil ang pagdaloy ng luha sa mga mata ko

Dahil sa apat na sulok ng kwartong ito
Naalala ko lahat ng pait at sakit na ipinadama mo

Kaya kahit saan ako dalahin ng mga paang ito
Kahit saan, kahit sa dulo pa ng mundo

Kahit mahirap ang daan at mabato
Kahit nakakapagod man o nakakahilo

Kahit saan ako dalahin ng mga paang ito
Kahit umulan o maligaw man ako

Kahit mainit o maubos ang pera ko
Wag lang dito sa apat na sulok ng kwartong ito.

Wag lang dito sa apat na sulok ng kwartong ito
Na binabalot ako ng lungkot bawat minuto

Na halos mabaliw na ako bawat paglipas ng segundo
Na gabi gabing naliligo sa sariling luha ko
Na araw araw hinihiling na sana di na dumilat ang mga mata ko

Wag lang sa apat na sulok ng kwartong ito
na wala akong ibang magawa kundi hilingin sa lahat ng santo
na sana mabalik ko pa yung dating tayo

Comments Go Here ▼

Comments

SHARE
Previous articlePiitan
Next articleAko na Walang Ikaw