Balang Araw Lalaya Din Ako

Balang araw lalaya din ako
ni Mary Margarette Ibanez
 
Balang araw lalaya din ako
Balang araw magiging masaya din ako
Balang araw makakalimot rin ako sa sakit na dinulot mo
Balang araw masasabi ko din sa sarili kong “okay na ako”
 
Masakit sa una
Ang tumanggap ay mahirap pa
Pighati parin ang dulot kapag iniisip ka
Walang susi ang makakapagpalaya sa sakit na nadarama
 
Wala akong ibang dapat gawin kundi ang damhin
Walang gamot na kinakailangang inumin
Walang magagawa ang lakas ng hangin upang sana ang sakit ay tangayin
Wala talagang makakapantay sa sakit ng damdamin
 
Sinulat ko ang tulang ito sa panahong ang ulan ay tumatagaktak
Isabay mo narin ang mga luhang pumapatak
Ang panahon ay talagang nakikisabay sa pighating dinulot mo
Ang tadhana ay nananadya na iparamdam ang hapdi na pinaramdam mo
 
Gulong gulo parin ang isip ko
Durog na durog ang puso ko
Sirang sira ang tiwala ko
Wala na yung ako na akala ko ay bubuuin mo
 
Nanghihinayang ako sa lahat ng pinagsamahan
Nanghihinayang ako na hindi manlang natin sinubukang ipaglaban
Nanghihinayang ako na tuluyan mokong binitawan
Nanghihinayang ako sa mga pangarap nating binuo na wala nang patutunguhan
 
Ngunit alam kong ako lang ay patuloy na masasaktan kung ito’y aking aalalahanin
Patuloy lang magdurugo ang sugat ko
Patuloy ko lang sisisihin ang sarili ko
Patuloy lang na magsisisi at manghihinayang sa isang katulad mo
 
Kaya’t napag isip isip kong tama na
Napag isip isip kong tapos na
Napag isip isip kong sapat na ang matagal na pagpapakatanga
Tama na ang minsang pagpapahalaga
 
Kung ikaw na ay masaya dapat lang din akong maging masaya
Pipilitin kong ngumiti kahit nakikita kita sa piling niya
Pipilitin kong tumawa kahit hindi na ikaw ang dahilan ng pagsaya
Dahil alam ko balang araw, makakaraos din ako at makakalimutan kita
 
Balang araw masasabi ko ring “ang tanga ko pala”
Balang araw maiisip ko ring pinahalagan pala kita
Balang araw ang minsang pagkakaibigan ay maiisip ko nalang bilang isang alaala
Balang araw tuluyan din akong magiging malaya at masaya

Comments Go Here ▼

Comments