Dahan-dahan mong Bitawan, Puso kong ‘Di Makalaban

by RV |  shared on He Said, She Said

Nag umpisa ang lahat nung maging super close tayo sa isa’t-isa. Naalala ko pa noon, sobrang broken ako noon coming from a break up sa 5 years relationship ko. Hirap na hirap akong mag move on no’n, pero naging madali ang lahat nung dumating ka.

Una kitang naging classmate nung 2nd year college, 2nd sem ng school year. Pero nung una, simpleng kaklase lang kita noon, simpleng kaibigan, dahil kami pa nung ex ko noon.

Nag-umpisa tayong maging close ng sobra nung 4th year tayo. Tatlo tayo nun sa barkada, pero since may BF yung isa nating barkada, palagi tayong dalawa yung naiiwan. Pero ok lang kasi kahit ganon, tuloy pa din yung kulitan, yung tawanan, yung asaran, at mga k’wentuhang mula sa mga mababaw na bagay hanggang sa pinaka malalim na storya mo.

Sobrang saya ko palagi nung mga araw na ‘yun. Wala yatang araw na ginawa ang Diyos na hindi ako naging masaya lalo kapag may pasok at kapag kasama kita.

Unti-unti nabago ‘yung timpla ng bawat araw ko. ‘Yung dating napaka pait na timpla, unti-unti mong pinalitan ng mga matatamis na lasa. ‘Yung malulungkot na araw ko, unyi-unti mong pinalitan ng ligaya at saya.

At Simula din noon, unti-unti ng nahulog yung puso ko sa’yo.

“Di na makikinig ang puso ko’y lito. Malaman mo sanang ikaw ay iniibig ko.”

Sabi nila, para makuha mo daw yung puso ng isang babae, patawanin mo daw siya palagi at iparamdam mo na mahalaga siya. Pero baligtad ata ang nanagyari. Kasi sa tuwing napapatawa kita, ako yata yung unti-unting nahulog dahil sa ganda ng mga ngiti at tunog ng mga tawa mo.

Pero pinigilan ko naman na mahulog ako ng tuluyan sa’yo. Pinigilan kong mahulog kasi alam ko na hindi mo naman ako kayang saluhin, na may ibang nagmamay-ari ng puso mo, at na hanggang best friend lang naman ako.

Sinubukan kong lumayo, sinubukas kong umiwas, pero hindi ko nagawa kasi ayokong mawala yung kaisa-isang dahilang ng kaligayahan ko.

Sa kabila ng lahat, tuloy pa din ang tawanan, kulitan, at asaran.

Naalala ko noon, every Friday sinasamahan kita maghintay hanggang sa 6pm class mo. Kahit hanggang 10am lang ang class ko noon, sinasamahan kita. Ayoko kasing maramdaman mo na mag-isa ka. Gusto kong maramdaman mo na mahalaga ka, na kahit gaano pa katagal, may taong handang samahan ka sa lahat ng bagay.

Doon din tayo nakahanap ng time para makapag review sa mga subjects natin. Minsan doon lang tayo sa library, pero minsan doon tayo sa Jollibee. Madalas akong magnakaw ng tingin sa’yo no’n. Alam ko madalas mo din ako mahuli noon. Sinasabi ko sa sarili ko noon na sana ikaw na ‘yung babaeng laan ng Diyos para sa akin, na sana ikaw na ‘yung makakasama ko habambuhay.

Dahil sa’yo mas nag exert ako ng effort sa pag-aaral, at mas naging seryoso ako kasi alam ko mahihirap ang mga subjects natin.

December 21, 2017, Christmas party natin noon, may konting salu-salo yung buong klase natin, at may konting palaro. Isa sa mga laro yung truth or dare. Tapos natalo ka no’n and truth pinili mo, inamin mo sa lahat noon na may gusto ka din sa ‘kin. Napakasaya ko nung araw na iyon lalo’t hinatid pa kita noon malapit sa inyo kasi gabi na.
Basta napaka saya nung mga araw na ‘yun na sobrang bilis lumipas na kasama kita.

Walang hanggan ang pagpapasalamat ko kay Lord kahit doon sa napakaikling panahon na nakasama kita, “at kung hindi man para sa akin, ang inalay mong pag-ibig, ay ‘di na rin aasa pa na muling mahahagkan.”

Halos araw-araw gusto kong pahintuin ang bawat oras na kasama ka, at humiling na sana hindi na matapos ‘yung bawat araw na ‘yon. Pero alam kong hindi p’wede… hindi maaari…. kasi may taong naghihintay sa’yo at may nag mamay-ari sa’yo…. ‘yung boyfriend mo.

Dati natatapos ‘yung bawat araw ko na masaya dahil sa’yo lalo na kapag may pasok. At kung wala namang pasok, natatapos ‘yung araw ko sa paghiling na sana ay may pasok na ulit para makasama na ulit kita.

Ngayon, hindi ko na alam kung paano matatapos ‘yung bawat araw ko lalo na yung week days. Kasi alam ko na hindi na kita makakasama ng madalas.

Wala na ‘yung madalas na kulitan, ‘yung asaran, ‘yung tawanan, ‘yung ngiti mo, ‘yung tunog ng mga tawa mo everytime na magtatawanan tayo, at higit sa lahat, ‘yung isang ikaw.

‘Di ko alam kung anong plano ng Diyos, pero palagi akong nagtitiwala sa Kanya.

“Dahan dahan mong bitawan, puso kong nahihirapan, dahil minsan mong iniwan, labis na nahihirapan.”

Nung una pa lang alam ko na mali ang mahalin ka kasi may ibang nag mamay-ari sa’yo. Pero paano ko ba pipigilan ‘yung sarili ko kung puso ko na mismo ‘yung kalaban ko. Kailangan ko na lang siguro tanggapin na hanggang kaibigan lang ako.

Salamat sa lahat ng masasayang araw ng buhay ko. Salamat sa lahat ng pinagsamahan natin. Sa lahat ng kwento, ng tawa, ng asaran, ng kulitan, sa lahat lahat.

I’ll forever treasure those kinds of memories of us.

Congrats kasi graduate na tayo at sana ‘wag mo akong kakalimutan.

Para sa boyfriend mo, sana mahalin at alagaan ka niya. ‘Di man ako ‘yung makapag bigay ng pagmamahal na gusto kong ibigay sa’yo habambuhay, magiging masaya na lang ako para sa inyong dalawa.

Mahal kita.

~RV

Comments Go Here ▼

Comments