Dati kay saya nating dalawa

by MI | shared on He Said, She Said |

Dati-rati kay saya nating dalawa, tila isang kuwento ng pag-ibig na itinadhana.

Pawang mga puso lamang natin ang nagsasalita at ang mga mata’y nangungusap sa tuwa.

Walang araw ang lumipas na hindi ko nais marinig mga tinig mong kay tamis sa aking pandinig! Mga katagang “mahal kita,” “kumain ka na ba?” at “magandang umaga! Bumangon ka na at mahuhuli ka!”

Mga pagkakataon na ang palad mo ay nakalapat sa palad ko, mga haplos at yakap mo, mga walang kuwentang paksa ngunit puno ng halakhak.

Ano nga ba ang nangyari sa dating kay saya, na ngayon isang alaalang halos ayoko ng magunita?

Lumayo ako upang makapag-isip ka, hindi para humanap ng iba. Lumayo ako upang mabatid mo ang mga bagay na hindi ko nais ipagpatuloy mo ngunit hudyat na pala iyon ng pagbitaw mo.

Akala ko sa pagluwag ng kapit ko, hihigpit ang hawak mo. Akala ko sa paglisan ko, babalik ang dating tayo.

Ngayon, wala ng tayo kasi kayo na. Wala ng tayo kasi may iba ka na pala. Wala ng tayo kasi bumitaw ka na pala.

Ngayon, kayo na.

Sana ay masaya ka pa din sa piling niya. Nawala ka man sa buhay ko, hindi ito hadlang upang itigil ang mundo ko. Masaya ako na naging parte ka ng buhay ko. Wala ng tayo pero nagkaroon ng isang ako.

Ako na kayang harapin lahat ng pagsubok. Na kinayang mag-isa at kakayanin ko pa hanggang dumating ang araw na may hahawak sa aking mga kamay at hinding hindi ako bibitiwan.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

Comments Go Here ▼

Comments