Hang Over

hang over

ni Vanessa Veronne Barcelone

Naalala mo ba nung araw na sinabi mong mahal kita,
pero tama na?
Naalala mo ba kung paano ako nagmakaawa,
umiyak paulit ulit hanggang sa pinilit ko
ang sariling sabihin, “Sige kung saan ka sasaya?”
Pero paulit ulit din yung naramdaman ko
na sa pagpapalaya ko sa ‘yo
ay ang sakit sa kabila ng kaya pa naman natin ‘to.
Mahina ka lang, sumuko ka lang, isinuka mo ‘ko.

Tanging mga bote ng alak ang kasama ko
sa bawat drama at pagluha at pagtatanong,
tanong na kailangan ng sagot na “dahil”
Bakit ba parang kasalanan ko?
Bakit parang ako yung sumuko?
Bakit tila naging ganito tayo?
Hindi sakto, di sapat, kulang pa ba ako?
Di man ako yung tipo mo pero
kaya kong magbago’t punan kung ano man
yung naging kulang sa ‘yo.

Sa unang tagay, sa dami ng tanong,
bakit alak ang naging sagot.
Nasanay kasi tayo na pag nasugatan
alcohol ang pinanggagamot.
Nagsawa ka na sa walang katapusan nating away at sumbat. Mga panahong pag-uusap
at lawak ng pag unawa at isip ay dapat.
Ngunit hindi, mas pinili mong umalis
kesa pag-usapan na kahit hawak o dampi ng iyong kamay
o labi sa akin ay hindi man lang lumapat.
Kahit ang pagdating ko sa buhay mo
ay di man lang napalitan ng salamat.
Singtindi ka nga pala ng shembot,
lahat ng bagay na tungkol sa ‘ting dalawa
ay iyong nilukot hindi nanghinayang, at tila nabugnot.
Idol, ang bilis mong nakalimot.

Sa pangalawang tagay ng Empi Light,
Ingingiti ko kahit pilit.
Ipapakita kong masaya ako kahit masakit.
Na sana yung nanlamig nating pagmamahalan ay mag-init ulit.
Sana maibalik ko ang panahon na tayo ay magkasama.
Sa ilalim ng buwan habang nakatitig sa iyong mga mata.
Sana mabalik ko yung dating tayo na puno ng sigla.
Lalo na sa dating tayo na walang away
at palagi lang masaya.
At ngayong wala na ang “tayo” na pinalitan ng “sana”
Sana sa pagpapalaya ko sa ‘yo
ay nakita mo ang aking halaga.
Sana pinairal ang lakas ng loob kesa ang kaba.
Isang alaala ng sana.
Sana tayo pa ring dalawa ang magkasama.
Pero tagay pa, tagay lang.
Makakalimutan mo din yan.

At sa pangatlo, pang-apat, panglimang tagay
at tungga sa boteng ito.
Sabay sindi ng isang pirasong sigarilyo,
para sa relasyon nating nagbago,
para sa alaala nating lumalabo,
at para sa pag-ibig natin na kusang naglaho
katulad ng usok na lumalabas sa labi ko
na minsan ding hinalikan mo.
Usok na ibubuga ko
kasabay ng tamis at pait ng ating nakaraan.
Idol, sa pagbitaw ko sa pagmamahal ko sa ‘yo
sisiguraduhin kong makakalimot din ako.

Hanggang kelan kaya ako maghihintay
na lahat ng sakit ay mawala at mamatay.
Kelan kaya ako magigising sa katotohanang
hindi mo na ako kayang mahalin.
At nang ako ay magising mula sa aking pagkakahimbing,
mga bote ng alak ay nandito pa rin.
Nasusuka ako, ayoko na ng Gin.
Tanging naramdaman ay ang sakit sa ulo
ng pag-ikot ng aking mundo,
mula sa aking pagkakatayo ay pagsilip ng Fundador.
Hilo, hilong-hilo ako sa bakas ng masakit
na kahapong dinulot mo.
Oo, may hang over pa ako sa pananakit mo.
Isang tagay lang, isang tagay pa ng Alfonso
tapos mag-momove on na ‘ko.

Comments Go Here ▼

Comments