Hinga, Buga

by heynette | shared on He Said, She Said |

‘Yan na naman ‘yung sakit na minsang nawala.
‘Yan na naman ‘yung luhang muli na namang bumalik nang minsan kang nawala.
‘Yan na naman ‘yung impit na paghikbi dahil ayaw mong marinig ka ng iba.
‘Yan na naman ‘yung puso mong nasasaktan dahil sa kanya.

‘Yan na naman ‘yung mga dahilang pilit mong hinahanap para patawarin s’ya.
‘Yan na naman ‘yung mga dahilang pilit mong ipinaglalaban para tanggapin ulit s’ya.
Pero tama na,
Tama na kasi nasasaktan ka na.

Magulo ang isip n’ya na hindi bagay sa magulong buhay mo.
Magulo ang puso n’ya, mas magulo pa sa buhok mo pagkagising mo.
Hindi s’ya sigurado sa nararamdaman n’ya para sa’yo.
Dahil para sa kanya, ‘yung dating kayo, isa na lang nakaraan na dapat alalahanin n’yo.

Sobrang sakit, hindi ba?
Sobrang sakit na sinira n’ya ang mga pangako n’ya sa’yo ng dahil sa kanya.
Sobrang sakit na lahat ng pinagdaanan n’yo ay wala na.
Wala na, wala na kasi umalis na s’ya.

Gano’n naman talaga, hindi ba?
Masakit kapag nagmamahal ka.
Kaya natural na lang sa’yo kung iiyak ka,
Kasi bukod sa nagmahal ka, sobrang nagpakatanga ka.

Sobrang nagpakatanga ka para tanggapin s’ya ng paulit-ulit.
Paulit-ulit na hindi mo iniinda ‘yung sugat sa puso mong ang sakit-sakit.
Ang sakit-sakit dahil ilang beses ka n’yang niloko ng paulit-ulit.
Paulit-ulit na lagi mo pa din s’yang tinanggap sa kabila ng sakit.

Wala kang magawa kasi mahal mo s’ya,
Hindi mo s’ya maiwan dahil alam mo ang pakiramdam ng mag-isa.
Wala kang magawa kasi nagmahal ka,
Nagmahal ka ng isang gago para sa katulad mong tanga.

Pero tapos na.
Nasaktan ka na.
Pinalaya mo na s’ya.
Pinalaya mo na s’ya dahil pagod ka na.

Pagod ka ng umasa.
Masaktan.
Umiyak.
Magpuyat.
Makinig ng mga musikang malungkot.
Hindi kumain.
Mag-isip.
Magdrama.
Sumulat ng malulungkot na tula.

Sa wakas, napagod ka na.
Sa wakas, naiwan mo na s’ya.
Sa wakas, bumitaw ka na.
Pero hindi ibig sabihin no’n, graduate ka na sa pagiging tanga.

Hinga, buga.
Huminga ka at pigilan ang luha.
Nagumiti ka at humakbang ng isa.
Para kahit minsan masabi mo sa sarili mong nakausad ka na sa kanya.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

Comments Go Here ▼

Comments