Huling Pahina

by Stephen Alcaldeza | shared on He Said, She Said |

Napansin ko ang mga nakapaligid na alikabok sa ating libro
Kaya sa muling pagkakataon ito’y binuklat ko
Binasa ko ang bawat salita sa bawat talata at pahina
Ang saya ng umpisa.

Punong-puno ng mabubulaklak na salita…
Sa unang pahina
Ay naroon ang larawan nating dalawa
Ang saya ng umpisa.

Ang mga letra
Ay parang bulaklak
Na maayos na nakapinta
Ang saya ng umpisa.

Hanggang sa marating ko ang gitna
Away-bati, bati-away ang naging sitwasyon nating dalawa
Ang itim na tinta’y naging pula
At ang mga letra’y nag-iba.

Napalitan ng luha ang tuwa
Ng bigti ang ngiti
Ng tabak ang halakhak
Ng lamat ang salitang alamat.

Nagbago na ang lahat sa gitnang bahagi
Subalit mas pinili kong kumapit
Sa malupit na lubid ng ating pag-ibig
Ilang pahina nalang ay malapit na ako sa huli.

Tinutusok ako ng mga letrang nakaukit
Dinudurog ako ng mga larawang nakaguhit
Lahat ng salita’y nagmistulang bala
Na sa aki’y nagdala
Sa ilalim ng balong malalim.

Kakapit pa ba ako
O bibitaw na?
Subalit ‘pag nahulog ba ulit ako,
Sa aki’y may sasalo?

Itutuloy ko pa ba ang pagbabasa
Kung ang mga salita’y tabak
Na sinusubukang putulin
Ang aking hininga?

Tinapos natin ito
Sa muling pag-aayos ng durog nating puso
Ngunit tapos na nga ba ito
Ganon na lang ba
Kung muli mo akong ginawang tanga?

Nakakita ako ng blangkong papel sa dulo
Tatapusin ko na ‘tong libro
Ayoko na.
Lalagyan ko na ‘to ng pangwakas na salita.

Pagod na akong masaktan
Dahil sa larong tanga-tangahan
Ako ang laging taya
Ako ang ibong nakakulong
Na nagnanais lumaya.

Ito na ang huli
Dahil ano pa nga ba ang silbi
Ng pagtitiis ng hapdi
Kung madudurog lang muli?

Dito sa blangkong papel ko
Tatapusin ang lahat
Kaya’t kinuha ko ang aking pluma
At nilagyan ito ng pangwakas na marka.

Tapos na tayo
Dahil ang saya
Ay naubos na sa umpisa

Kaya’t kahit mahirap ako’y bibitaw na.
Tinatapos ko na ang ating libro
Kaya’t ang mga salitang ipipinta ko sa blangkong papel na ito
Ay….
Paalam, Mahal Ko.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

Comments Go Here ▼

Comments

SHARE
Previous articleTayo pa ba?
Next articleSo Scared