Huwad na Korona

By Jennilyn Padua | shared on He Said, She Said |

Maliliit mong kamay ang aking hawak
Habang sabay tayong namimitas ng mga bulaklak
Masusi itong hahabiin hanggang maging korona
Na aking isusuot sa pagharap natin sa dambana

Sa ating munting mundo ako’y iyong prinsesa
Handa mong ipagtanggol sa tuwina
Gamit ang laruang espada at kapang yari sa sako ng harina
Walang araw na nagdaan na hindi mo ako napasaya

Tuwing gabi’y sabay nating hinahabol ang buwan
Kahit pa pinapagalitan tayo tuwing uwian
Iniukit natin ang ating mga pangalan sa puno
Hindi mo man alam, tinanim narin kita sa aking puso

Kasabay ng paglalim ng aking pagtangi sa iyo
Ang mga munting kamay ay lumaki’t unti unting nagkalayo
Ang mga bulaklak at espada’y nalanta’t nasira
Hanggang sa hindi ko na maalala kung saan ba tayo nagsimula

Sabi mo sa akin, tayo na hanggang sa huli
Habang tayo’y nakikinig sa mga ibong humuhuni
Ngayon ko napagtanto na sa yo’y laro lamang ang lahat
Na ako’y hanggang prinsesa lamang sa huwad kong ulirat

Ngunit kahit ganon, handa akong tanggapin
Ang wagas na pagkakaibigang iyong handog sa akin
Kahit ako’y nadudurog sa tuwing may kasama kang iba
Hindi ba noo’y sa akin ka lamang nahahalina?

Ang aking isip ay gusto nang magpahinga
Ngunit sa aking puso, mayroon paring pag-asa
Na baka isang araw iyong maunawaan at mapansin
Na itong kaibigan mo’y handa kang tanggapin at mahalin

Lumipas ang panahon, narito na tayong muli sa ating dambana
Suot suot ko pa rin ang mga bulaklak noong tayo’y bata pa
Naroon ka’t naluluha, nakangiti, nasasabik
Dahan dahan ako sa yo’y yumakap at sa pisngi’y humalik

Ang iyong mga matang dating sa akin lamang nakatingin
Ngayo’y kumikislap at puno ng pag-ibig na alam kong hindi para sa akin

Kaibigan ko, dasal ko’y lagi kang maging masaya
Minahal kita
Mahal pa rin kita
Ngunit alam kong hindi ka sa akin liligaya

Bibitawan na kita, sana ako’y tuluyan ding lumaya na.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

Comments Go Here ▼

Comments