Huwag ang Manunulat

Kung sakali mang magmamahal ka,
Huwag kang magmahal ng manunulat.
Dahil kasabay ng pagmamahal mo sakanya
Ang pagmamahal naman niya sa pagsusulat.
Kung sakaling mamahalin mo siya,
Huwag mo sanang bitawan
Mga kamay niyang nanginginig at pagod na,
At puro tinta na ang laman.
Huwag kang magaalinlangan
Na hawakan ang palad niyang pasmado.
Bagkus, hagkan mo ito at halikan,
Hanggang sa mapawi ang pagod.
 
Kung magmamahal ka ng manunulat,
Pakiusap, huwag mo siyang iwan.
Dahil maglalaro ang walang hanggang katanungan
Sa kanyang matalinhagang isipan.
Hindi niya matatanggap
Na sainyong dalawa, siya ang sumulat, umukit, naglathala
Ngunit siya rin pala ang nagkulang sa kuwento niyong dalawa.
Nagkamali ba siya sa pagsusulat ng pamagat?
Ah! Ang pangungusap, baka mali ang pagkasulat.
Baka masyado niyang napahaba ang pagpapakilala sa umpisa.
O baka may mali sa bandang gitna?
Di kaya naman kinulang sa damdamin
Yung parteng nasa ilalim kayo ng makikinang na mga bituin.
Ito rin ang unang beses na naramdaman niya,
Na naramdaman niyong dalawa,
Na kaya mong tanggapin, at mahalin ang pagiging manunulat niya.
Hindi, hindi ito ang mali.
Baka naman di kumalabit ng pakiramdam ang paraan ng pagkuwento niya
Sa unang beses mo siyang hinalikan,
Na para bang siya’y pinag-aagawan
Ng milyon-milyong paraiso at ng kalangitan.
Baka naman may typographical error, ngunit saan banda?
Dun ba sa “Mahal din kita” na naging “Mahal dun ka na”?
Hindi, hindi ka niya pinapalayo, nagkakamali ka.
Baka sadyang mata niya’y nanlalabo na sa mga gabing puyat siya.
Pero ngayon, sobrang labo na nga yata, dahil di niya na makita kung nasaan siya.
Nasaan na siya sa kuwentong isinusulat niya? Nasaan ka na nga rin ba?
Nasaan na ang saya, nasaan na ang dati,
Anong parte na ba ito ng kwento nating dalawa?
Ano nga ba ang mali, ano nga ba ang kulang?
Pero panigurado, hindi naman mali ang kanyang pagkakakuwento
Sa una niyong halik, dahil inilarawan niya pa nga
Na parang pinag-aagawan siya ng paraiso at kalangitan diba?
Maari kasing nawalan na siya ng tinta,
at nakalimutan niyang isulat ang parteng sinabi mong “Mahal Kita”
Ang pagsambit mo ng “Mahal Kita” ng “Mahal” na siyang gumising sa kanya
“Kita” kitang kita ang kinang sa kanyang mga mata.
Ngunit hindi. Hindi niya ito makakalimutan
Dahil itong dalawang katagang ito ang muling bumuhay
Sa manunulat na humihimlay
Sa isang mundong nawalan na ng kulay.
Itong dalawang katagang ito ang nagtulak buhayin
Ang manunulat na natutulog sa dibdib niya
Na lumiyab muli ang pagnanais niyang maisulat na
Ang kwento nila. “Ang Kuwento nating Dalawa.”
Ano nga ba kasi ang dahilan?
Inantok ka ba doon sa bandang kinwento niya
Ang unang beses siya’y iyong tinabihan sa kama
At sabay kayong natulog sa bisig ng isa’t-isa?
Hindi, hindi ito yun.
Siguro dahil nawawalan na siya ng lakas,
Napabilis niya ang paghantong ng kuwento sa wakas.
Pero hindi, pagod lang siya sa kaiisip kung paano ka niya susurpresahin bukas
Kasi diba magkikita kayo, ipapabasa niya sayo ang sinulat niyang kuwento.
Ngunit hindi, wala pa palang wakas, dahil ang huling nakasulat sa papel ay
“Sa bisig niyang mainit, ayaw ko munang kumalas, susulitin ko bawat segundo, bawat minuto, bawat oras.”
Kaya oo, wala pang dulo, dahil hindi niya tatapusin ang kuwento ng ganito,
Na para bang mawawala na kayo, na para bang mawawala na ang “Kayo,”
Na para bang babalik na lang muli ang “Tayo” sa “Ikaw, at Ako.”
Para bang humahantong na siya sa konklusyon.
Kung bakit iniwan siya.
Parang alam na niya ang mali sa kuwento niya.
Parang unti-unti, dinudurog siya ng nasa isip niya, pero iyon ang totoo.
Sa kanyang pagtatanto, pumatak ang luha mula sa kanyang mga mata.

Comments Go Here ▼

Comments

SHARE
Previous articlePluviophile
Next articleTatlong Oras