Ikalawang Yugto

by Jolly Bee | shared on He Said, She Said |

Hindi mo sinabi na mahal mo ako.
Hindi mo rin sinabi na gusto mo ako
Pero ipinaramdam mong mahalaga ako sa buhay mo,
kahit sa sandaling nagkasama tayo.

Akala ko nga pwede ‘to.
Akala ko rin mahal mo na ko.
Akala ko lang pala ang lahat ng ito,
Kasi kahit kailan walang namuong tayo.

Minsan naisip ko,
Nagkaroon kaya ako ng lugar sa puso mo?
Minsan naisip ko,
Minahal mo rin kaya ako?

Sa dinami-rami ng lalaking dumaan sa buhay ko,
Ikaw lamang ang huminto.
Akala ko magtatagal ka na rito.
Dito sa puso ko.
‘Yun pala ay iiwan mo ring nag-iisa,
nagdurugo at walang handang sumalo at maghilom.

Ngayon aking mahal, tila ayoko nang sundan,
ang daan patungo sa iyo, dyan sa puso mo.
Tila ayoko nang marinig,
ayoko nang malaman na hindi ako kailanman ibinulong ng iyong puso.
Hindi ako kailanman itinibok ng puso mo.
Dahil alam kong sa simula palang naman,
isa lamang akong hamak na kaibigan.

Pero sana dumating ang tamang panahon.
Ang iyong pagbabalik sa piling ko.
Kung saan kaya ko nang sabihin sa iyo ang totoo.
Kaya ko nang sabihin na matagal na kitang gusto.

Sana dumating din ang panahon na matutunan mo na rin
mahalin ang isang kagaya ko.
At maaari na tayong gumawa ng bagong yugto,
sa kwento ng buhay kong ito,
Kung saan dati ay ako lamang ang nagsusulat
pero ngayo’y kasama na kita,
kung saan dati’y malabo ang pag-asa
at ngayo’y ‘sing linaw na ng iyong mga mata.

Mahal kita. Mahal na talaga kita.
At maghihintay ako hanggang sa marinig mo,
hanggang sa marinig mismo ng iyong dalawang tainga,
ang tibok ng puso ko at ang matagal nang itinitibok ng puso ko, ikaw.
Ikaw lang naman talaga. Ikaw lang simula noong una.
Ikaw lang hanggang sa matapos ang pagtibok,
hanggang sa wala nang marinig na kalabog mula sa puso kong
hanggang ngayon ikaw lamang ang ibinubulong.

Mahal, samahan mo sana ako.
Samahan mo akong isulat,
ang pangalawang yugto ng aking buhay.
Ang pangalawang yugtong tungkol sa ating pag-iibigan.
Ang pangalawa’t huling yugto ng ating pagmamahalan.

Maghihintay ako, hanggang sa magbalik ka.
Maghihintay ako hanggang sa mahal mo narin ako.
Mag-iingat ka sa pagbalik ha?
Dahil hindi ko maitutuloy ang kwentong ito ng wala ka,
nang hindi ikaw ang kasama.
Dahil sa libro ng ating buhay,
magkasama ang dalawang puso at kaluluwa.

Magkasabay na dadayo, magkasamang maglalakbay…
sa tahimik na paraiso, kung saan ang maririnig lamang
ay ang tibok ng ating mga puso.
Sa madilim at maliwanag na kalawakan,
kung saan naroon tayong dalawa,
naglalakad at masayang nagmamahalan.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

Comments Go Here ▼

Comments