Kasunduan

kasunduan

ni Nindz Mape

Bago ako tuluyang lumisan
Magpaalam dito sa mundong ibabaw
Iiwan ko ang ilang kasunduan
Sa inyo, sa mga tala, ulap, buwan at araw.

Sa aking pagkamatay
Sumikat ka pa rin O araw sa Silangan
Nais kong sa aking paghimlay
Ika’y magpatuloy sa pagbibigay liwanag sa sangkatauhan.

At sa gabi’y nais kong gawing brilyante ang kalangitan
Tanaw ng aking kaluluwa ang naglalarong mga tala at buwan
Sa likod ng mapuputing ulap sila’y nagtatagu-taguan
Habang ang iba’y naglalakbay, naglalayag, nagsasagwan.

At ang isa pang kasunduan na aking lalagdaan
Ay sainyo ko binalak na ilaan
Kayong mga taong may kanya-kanyang karakter na pinagbidahan
Sa kwentong aking binuo, isinulat at pinaghirapan.

Sa araw ng aking pagkamatay
Sa huling gabi ng aking lamay
Sa mga dadalaw sa katawan kong sa kaluluwa’y tuluyang humiwalay
Hinihiling kong tula ang inyong ialay.

‘Pagkat ang bawat talutot ng bulaklak ay nalalanta
Ang amoy at halimuyak ay nawawala
Natutuyo ang dati na sa mga mata’y sariwa
Pati ang ganda’y kumukupas nalang bigla.

‘Pagkat maging ang isang mamahaling kandila ay nauupos
Ang hatid nitong liwanag ay nauubos
At ang kahit maliit na tulo’y nakalalapnos
Kung ikukumpara sa tula, ito’y di mo mayayapos.

‘Pagkat ang abuloy ay di maaaring ipangbayad ng kasalanan
Hindi rin madadala sa langit o impyerno man
Dahil ang salapi ay para sa mga tao lang
At hindi sa kaluluwang humiwalay na sa  katawan.

Sa araw ng aking pagkamatay
Sa huling gabi ng aking lamay
Sa mga dadalaw sa katawan kong sa kaluluwa’y tuluyang humiwalay
Hinihiling kong tula ang inyong ialay.

Ngunit paumanhin kaibigan
Mayro’n pa akong isa na lang na kasunduan
Pinakahuling kasunduang aking
ipapaalam
Sa mga mahal ko na aking maiiwan.

Sa pinakahuling araw ng pananatili ng aking kaluluwa sa purgatoryo
Sa pinakahuling pagkakataon na nararamdaman ko pa ang presensya niyo
Sa pinakahuling oras ng pananatili ko rito sa mundo
Nais kong ito ang gawin niyo —
ipagdasal niyo ang kaluluwa ko.

Comments Go Here ▼

Comments