Kumusta ka na?

by DK | shared on He Said, She Said |

Mahal kong “Brownies,”

Kamusta ka na kaya ngayon? Pagod ka siguro sa trabaho.

Ang ganda ng buwan at mga bituin ngayon, nakikita mo kaya ang nakikita ko? Ang ganda ng daloy ng mga alon at malamig ang buhangin sa tabing dagat. Ang ganda ng mga pa ilaw ngayon. Ang ganda.

Ngunit hindi kasing ganda noong kasama kita rito, hindi kasing ganda noong sabay natin nilalanghap ang simoy ng hangin sa tabing dagat; noong ika’y nasa aking tabi at sabay natin pinapanood ang gabi habang tayo ay gumagawa ng ating mga kwento at pangarap na sa kinabukasan ay sabay natin aabutin. Ang ganda noon. Noon. Sa bawat dampi ng kamay mo sa aking kamay kasabay ng pagtingin natin sa isa’t isa, sa bawat pag pikit at pagbukas ng ating mga mata ay tila dumadaan ang mga araw at gabi. At sa bawat tingin ko sa iyong magandang mukha hindi ko na kailangan pumunta sa kahit anong magandang tanawin dahil makikita ko na sayo yun.

Ngayon ako’y mag isa, mag isa ko nang pinapanood ang pag daloy ng alon at ang pagkislap ng mga bituin. Hawak hawak ko ang malamig na serbesa habang dumadaloy ang mga luha sa aking mga pisngi, sa mahigpit kong paghawak sa alak na ito ganun parin ang paghawak ko sa mga pangarap at pangako ko sa ‘yo; hindi ko kayang talikuran ang mga iyon. At sa pag ilaw ng buwan sa aking daan ngayong gabi ay sumisimbolo na mayroon pang pag-asa, sa likod ng kadiliman mayroon paring ilaw na maaring gamitinin upang makita ang daan na tatahakin.

Hindi ko hinawakan ang kamay mo upang akin itong bibitawan. Hindi kita sinabayan maglakbay sa buhay upang sa huli ay akin kitang tatalikuran. Hindi natin sinanay na palaging sabay magdasal para sa isat isa upang sa bandang huli ay sarili na lamang natin ang ipagdadasal natin. Hindi tayo nangarap at naging akda ng ating kwento upang sa bandang huli ay magsusulat nanaman tayo ng isang blankong pahina na hindi na tayo ang bida. Hindi. Noong sinabi ko sayo na MAHAL KITA kalakip nito ang pangako na mamahalin kita magpakailanman. Oo, mahal na mahal pa rin kita mula noong una kitang nakita hangang ngayon.

Sana sa susunod na mag tagpo na naman ang ating daan, ipinagdarasal ko na sana iisang direksyon na ang ating patutunguhan at sabay na naman natin langhapin ang magandang simoy ng hangin, sabay na naman nating titingnan ang mga magagandang bulaklak, at sa bawat dampi ng kamay mo sa aking kamay kasabay ng pagtingin natin sa isat isa, sa bawat pag pikit at pagbukas ng ating mga mata ay sabay na nating pagdadaanan ang mga araw at gabi na magkasama habang buhay.

Sa muli nating pagsama sabay na natin tuparin ang ating mga pangarap, sabay natin papanoorin ang paglaro ng ating mga anak, at kapag ang ating mga buhok ay maputi na at malabo na ang aking mga mata alam ko na ikaw pa rin ang pinakamagandang babae at ito ay sasabihin ko sayo kasabay ng pagyakap at pagsabi sayo ng mga salitang “SALAMAT, MAHAL NA MAHAL KITA.”

Hindi ako magpapaalam, ako ay maghihintay at magdadasal pa rin; ikaw mismo ang nagsabi sa akin na walang imposible basta magtiwala sa Maykapal.

Hangang sa huli aking mahal,
4/11

Comments Go Here ▼

Comments