Ma, Para sa Feelings

by Kyla Camille Nievera | shared on He Said, She Said |

Para sa akin, ang feelings, parang pagji-jeep na sakay baba
Papara bago sumakay, papara para bumaba
Namimili ka ng sasakyan mo, diba?
Tinitignan kung kasya pa
Kapag maluwag, tatakbo para makaupo
Kapag puno, tutungo
Pero dahil parang feelings nga ang pagji-jeep,
Minsan… Nakakainip
Naiinip kasi nangangalay
Naiinip makasakay
Naiinip.. Maghintay
O minsan naman nakakalitong feeling
Nakakaduda, nakakapraning
Pano ba naman kasi si kuya
Kalahating hita na nga lang ang nakaupo, sisisgaw pa ng TATLO PA
Badtrip, diba
Minsan, kunwari nalang nakaupo ka pa
Parang feelings
Akala mo kasya
Akala mo kaya
Akala mo… Siya na
Parang feelings lang ang pagji-jeep eh
Kahit paulit ulit ulit ulit na hassle sayo magcommute,
Bukas papara ka ulit
Bukas sisiksik ka ulit
Bukas… Aasa ka ulit
Bakit?
Sa araw-araw na inaabot mo ang barya mo, wala namang isinusukli sayo
O sige, minsan meron, ipinapaabot ni kuya
Pero deep inside, alam mo namang ayaw niya
Sinuklian dahil kailangan
Sinuklian dahil patakaran
Eh di ka pa nga susuklian kung di mo pa ipagsisigawan
Hay
Ang pagji-jeep parang feelings
Tinamaan ka na, natapakan na, nasagi na…
Wala, dedma
Anong sabi ng katabi mo?
“Sorry, commute lang, walang personalan”
Parang feelings mo pa rin sa kaniya
Nagkadikit, nagkatamaan, nahulog at lahat lahat na
Anong sabi niya?
Wala, sorry pa rin daw, “feelings lang, walang sisihan”
O, parang feelings?
Wag mo na kasing ipilit.
Para kang yung nakatabi kong tulog eh
Fall ng fall, wala namang sumasalo
O parang yung mga sabit boys
Nagtitiis sumampa kahit alam namang may better pa
Hay
Puro ka habol, puro “Ma, saglit, sa tabi lang, para”
Eh yung crush mo naman, nag 123 na kanina pa
Sino hinahabol mo? Bakit ka naghahabol?
Kapag mahal ka, swak kayo sa upuan without the trouble
May pa-wind effect wind effect ka pa sa buhok mo
Eh puro sabit ka naman diyan sa love life mo
Tumigil ka nga
Ang jeep at ikaw ay magkaiba
Kahit parehong umaandar, mas may mararating ka pa
Ang jeep ay aandar, papara, iikot, sasabit sa bangketa
Ikaw na may paa, tumakbo at mag move on ka na
Jeep lang ‘yan, isang ruta ang dinadaanan
Ikaw na nakikinig, di mo na siya kailangang balikan
Oo, ikaw, wag ka mag maang-maangan
Dahil malay mo naman, bus pala ang dapat mong sakyan.

Comments Go Here ▼

Comments