Mahal, Pasensiya Ka Na Ha?

Pasensiya Ka Na

ni Champ

‘You are more important than my ego,but this LOVE SHIT has to end before it consumes every part of me.’

Nagsimula tayo katulad ng mga tipikal na kwento. Kuha ng number, exchange of messages, lumabas, nagkwentuhan, nagtawanan. Naging musika ko ang bawat tunog ng telepono sa tuwing may mensahe o tawag galing sayo. Kahit pa mapuyat, ok lang basta makasabay sayo. Minsan nga, kontento nako sa nakakabinging katahimikan, kasi alam kong ika’y andyan.

Gusto kita, alam mo ba yun? Oo naman kasi sinabi ko. Pinadama ko. Kahit alam kong di pwede ang TAYO. Dahil simula palang ng kwento e tinuldukan mo na ito. Nakontento ako sa kaya mong ibigay. Pagkakaibigan. Nakakatampo kasi akala ko MU na. Akala ko may MALALIM na UGNAYAN. Yun pala, MALABONG USAPAN. Akala ko eh parehas tayo ng nararamdaman. Ako lang pala tong may pinanghuhugutan. Napag isip ko, itigil na lang para hindi na ako masaktan.

At sa paglayo ko, ako’y iyong sinabayan. Nanalangin ako na sana wag tayong magsalubong sa daan, dahil diko alam kung magagawa pa kitang ngitian. Lumipas ang araw, mas lalo akong nasaktan. Bumalik ako at nanatiling iyong kaibigan. Balik sa dati. Text, tawag, pasyal kahit san. Minsan nga inaabot na tayo ng bukang liwayway. Kahit inaantok, gusto ko andyan lang ako, standby. Nakontento ako sa bawat hiram na oras kasama ka. Nakontento ako sa iilang araw na naaalala mo ako. Nakontento ako sa kaya mong ibigay. Hanggang sa lunalim uli ang nararamdaman na pilit ko talagang pinipigilan.

Nagbakasakali ako na sana makita mong kahit nabigo ako eh andito pa din ako. Naramdaman ko naman na kahit papano eh marunong kang mag alala, marunong kang mag alaga. Bilang kaibigan. Oo, bilang kaibigan. At mukhang hanggang doon na lang. Pero ako naman tong si tanga, patuloy na umaasa. Umaasa na sa bawat tunog ng telepono ko ay ‘good morning’ galing sayo ang mababasa. Pero hindi ganun. Hindi umaayon sakin ang sitwasyon. Hanggang sa napagod ako at natuto nang humindi sayo. Napagod ako hanggang sa nanunumbat na ako. Alam kong mali dahil wala namang tayo diba? Kulang na lang isampal yun saking mukha nang matauhan na.

Sigurado naman ako. Mahal na kita. Hindi naman ako magsasayang ng oras at pagod kung hindi ka mahalaga. Pero kahit pa mahal kita, kelangan ko ring mahalin kung anong natira. Ang tanong, may natira nga ba? Sa tingin ko, wala na. Dahil mismong sarili ko ay akin nang nabalewala. Eh ganun ata talaga pag nagmahal eh, kahit wala nang matira, basta masaya sya. Kahit pa hindi nya malaman at makita, umaasa ka na lang na sana maramdaman nya. Kahit mali sya, kelangan nyang maging tama. Kahit may gusto ka din sana, uunahin mo yung gusto nya.

At sa araw na ito, gusto ko nang mauntog at matuto. Gusto ko nang itigil kung anuman to bago pa tuluyang mawala na rin yung pagmamahal ko sa sarili ko. Masasabi bang selfish o selfless yung mga nagawa ko? Hindi ko alam. Pero sana, matuto na ako. TAMA NA- yan ang pakiusap ng isip ko. SIGE PA-sabi naman ng puso. Araw araw na ganyan ang pagtatalo. Mukha na akong tanga. Nakakaawa na.

Bago ako lumayo, nais ko lang sanang malaman mo. Mahal kita. Mahal na mahal. Gusto kitang alagaan. Gusto kitang protektahan. Gusto kitang pasayahin. Gusto kitang patawanin. Ayokong nakikita kang nag iisa. Ayokong malungkot ka. Ayokong umiiyak ka. Hindi ko man nabanggit sayo ang lahat ng to dahil natatakot ako. Natatakot ako na baka ikaw na mismo ang lumayo. Natatakot ako na baka sumbatan mo ako na una pa lang eh sinabihan mo na ako. Natatakot ako na ipagtabuyan mo ako. Natatakot akong sabihin mo na ‘itigil na natin to’. Mas nangingibabaw ang takot.

Ayokong magtapang tapangan at sa huli ay masaktan. Na kunwari ok ako kahit hindi. Duwag na kung duwag pero tao din lang ako, nagmamahal, umaasa at nasasaktan. Ayoko mang pangunahan pero malabo ang maging TAYO. Dahil maraming SILA sa mundo mo. Kahit gustuhin ko mang may IKAW para SA ‘KIN at may AKO para SA ‘YO.

Pasensya ka na kung bibitaw na ako at diko harapang masabi sayo. Pasensya na kung diko nagawang ilaban. Pasensya na kung di ‘ko nakayanan. Mahal,pasensya na kung hanggang dito na lang. Hanggang sa muli.

PS. kung maalala mo man ako, wag kang magdalawang isip na tawagan ako. kahit bilang kaibigan lang. sa kabilang banda, kung ramdam mo ring mahal mo ako, sana masabi mo para masimulan nang maayos ang dati’y natuldukan nating k’wento.

Comments Go Here ▼

Comments