Maling Ikot ng Orasan

Maling Ikot ng Orasan

ni Sapphirescdr

Magbalik tayo sa panahon
Sa kung kela’y hindi ko pa kailangang umahon
mula sa pagkakalunod sa mga ala-ala
Sa oras kung kela’y ang ningning ng iyong mga mata
ang siyang liwanag upang bigyan
ang araw ko ng panibagong pag-asa.

Gigising ng alas-sais
Walang dapat ikainis
dahil doon pa lang sa itinakda nating tagpuan
ay naroroon ka na
Hindi pumapansin ng iba
Hinhintay ang sa paningin mo’y pinakamaganda
At pag napansin mo nang nakatitig ako sa ‘yo
ay kusa ka nang lalapit
Sasabihing “Akala ko’y hindi ka na pupunta”
Alas-otso
Walang sawang tumitibok ang aking puso
Sa mga salitang iyong binibitawan
para lang ito ay mapasaya
Alas-nueve y media
nang makauwi tayong dalawa
Magkahiwalay ma’y hindi naging sapat
na dahilan para hindi ka maalala
Salitan ng mensahe
Kala mo’y di nagkita kanina
Alas dies
Ang oras ay napakabilis para sa ating dalawa
Alas dose
Dinig ko ang boses ng mga taong kinukutya ka
pero pilit kong pinagtatanggol dahil mahal kita
Ala-una
Alam kong kailanma’y hindi ako ang nauna
Pero hinihiling kong sana’y ako na ang panghuli
Alas-tres ng tanghali
Wala naman sigurong makikisali?
Alas-singko ng hapon
Sana ay mabuhay nalang sa kahapon
Yung tipong naroon lang tayo sa mahal mo ko at mahal kita
Nang wala nang kailangang sumingit na ‘siya’

Sumapit ang gabi
Nanlamig ang paligid
Doon ko naisip na hindi ko pala napansin ang madaling-araw
Kung saan ay nahihimbing ang puso kong napagod ng buong araw
Hindi napansin ang alas-siete
Na sa bawat ngiti, na iyong ipinapakita
ay may halong pagpilit para lang sabihing kakayanin pa
Ang alas-onse na kakain ng tanghalian
na may kasalong iba ang alas-dos
na ako lang pala ay pangalawa
at habang ako ay umiiyak sa kadiliman ng aking gabi
Nang wala na ang ningning sa iyong mga mata
na nagsisilbing liwanag ng aking pag-asa
Ay patuloy na magpapakatanga
Sa maling ikot ng orasan na gawa-gawa ko lang pala.

Magbalik tayo sa panahon
Sa kung kela’y hindi ko pa kailangang umahon
mula sa pagkakalunod sa mga ala-ala
Sa oras kung kela’y ang ningning ng iyong mga mata
ang siyang liwanag upang bigyan ang araw ko ng saya.

Comments Go Here ▼

Comments