Nasaan ang Saya?

by Homer Nievera | shared on He Said, She Said |

Sino’ng magsasabing ika’y masaya,
Kung ang ngiti mo’y aabot sa mata?
Dagdagan pa ng malakas na tawa,
Kaya bang ikubli, pusong may luha?
Araw-araw, hinahawi ang dusa;
Isama mo pa’ng pang-aalipusta
Ng tao, mundo, pati nga ka-kosa;
Sabihin mo sa ‘kin, nasa’n ang saya?

Kanina lamang ako ay nagsimba;
Ibinuhos ko na lahat sa Kanya;
Tanong ko sa Kanya, “Nasa’n ang saya?”
Sagot Niya sa ‘kin, “Ika’y tumingala!”

Sa dakong harapan, Krus ang nakita;
Sinipat-sipat ko ng aking mata;
Ang Diyos ipinako ng walang sala;
Heto ako’t naghahanap ng saya.

Kaya hayun, naintindihan ko na;
Kung sa’n pa kasi ako lumilinga;
Sa mundo ay walang lubos na saya
Kung salat sa pananampalataya.

Tanggapin na lang ang bugbog at pasa:
Kung nararamdaman mo, buhay ka pa.
Malungkot man ngayon, may umaga pa;
Bukas, tiyak ako naman ang sasaya.

[March 10, 2009]

Feel free to send in your poems via message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done weekly. If they’re not posted yet, please send in another one.

Comments Go Here ▼

Comments