Paalam: Para sa Pag-ibig kong Kinulang

by Miaka | shared on He Said, She Said |

Sariwa pa, naalala ko pa yung araw na una kitang nakilala.

Bitbit mo ang biskwit, nakaupo sa harap ng pisara. Namangha ako sa iyo, kung paanong parang kinausap mo ang kalooban ko kahit walang salitang lumalabas sa bibig mo. Noong araw na iyon naging magkaibigan tayo ika-labing pito ng hunyo taong dalawang libo at walo. Dakong alas kuwatro y medya sa loob ng silid aralan sumumpa tayo sa mismong araw na yon ng walang iwanan, magkaibigan hanggang dulo.

Naaalala mo sumulat pa tayo at pumirma sa kuwaderno pangako na sa tuwing may kailangang ilimbag ako ang lilimbag para sa ‘yo? At kung may kailangang iguhit ikaw ang guguhit para sa akin?

Pero wala na; ni hindi mo na nga ako kayang lingunin pa.

Oo, maaring musmos pa tayo ng mga panahong iyon, walang sapat na kakayahan, hindi pa matibay ang mga gusto at paninindigan. Ngunit ang alam ko lang nagmahal ako at nagmahalan tayo. Nasanay ako na lagi kang nasa tabi ko, nakaupo, tumatawa, nakikinig sa mga kuwento ko, nasanay ako na ikalma ng mga haplos mo ng presensya mo kahit napaka dalang mong magsalita.

Maraming pagsubok ang dumaan mula nang pinili nating maging magkasintahan — masaya na mahirap. Masaya dahil alam kong akin ka mahirap dahil bata pa tayong dalawa. Maraming beses gusto mong bumitiw hindi kita binitiwan, sabi ko kapit ka lang ako ang lalaban. Lumaban ako maraming ulit, paulit-ulit.

Tuwing natatakot sinisigurado ko sa ‘yo na magiging maayos ang lahat, sinisugarado ko sa ‘yo na ilalaban kita kahit di ako sigurado kung hanggang saan ka kakapit.

Pasalamat din ako at hinigpitan ko ang kapit. Nakaraos tayo. Lumipas ang mga taon, akin ka pa rin.

Hindi ko masasabing perpekto ako sa pagmamahal sa ‘yo. Maraming kulang, maraming mali. Madalas ako magtampo, matakot at magselos. Siguro dahil hindi ko nararamdaman ang seguridad, hindi mo maiparamdam sa ‘kin na kaya mo akong ilaban, na kailangan mo ako tulad ng pangangailangan ko sa ‘yo.

Lagi akong nag-iisip, lagi akong natatakot dahil alam kong kaya mong mabuhay ng wala ako.

Tuwing iiyak ako sa ‘yo at magtatanong kung bakit hindi mo kayang iparamdam sa ‘kin na sapat din ang pagmamahal na mayroon ka para sa akin, ang lagi mong sasambitin “alam mo namang ganito ako.”

Sa una, mahirap tanggaping ganyan ka lang. Ganyan ka na kailangan kong ipa-alala sa ‘yo sa tuwina na iparamdam sa ‘king mahal mo ‘ko. Na ganyan ka lang na hindi kayang ilaban kung anong meron tayo, na ganyan ka lang na hindi ako ang sentro ng mundo.

Pero masaya pa rin ako sa ‘yo. Mahal kita. Kahit mahirap sa pagkababae ko ako ang ulit-ulit na lumaban.

Hanggang sa maraming taon na rin ang lumipas. Hindi na tayo musmos. May mas matibay na ang ating paninindigan. Mas matibay na ang pakpak.

Pero sa tuwing pipilitin kong lumipad kasama ka ang bigat. Mabigat dahil hindi mo ako sinasabayan sa paglipad.

Nahihirapan ako. Ang hirap dahil para sa akin sapat na ang mga taon, kailangan na nating dumako sa kabilang panig ng mundo. Ang hirap dahil gusto ko kasama ka pero hindi mo pa kayang sumama. Hindi ko alam kung bakit pero sobrang sakit. Hindi ko man gusto kinailangan kong iwan ka. Kailangan kong lumipad, kailangan kong may marating.

Umasa ako na pagsapat na ang aking lakas ay babalikan kita at makakaya na kitang ilipad kahit hindi mo gamitin ang sarili mong pakpak. Ngunit sa gitna ng himpapawid napagod ako, may malalakas na hangin, may mga bagyo, napilayan ako pero pinilit ko paring lumipad sa di kalaunan may humawak sa kamay ko. Sinabayan niya ako sa paglipad kahit isa siyang estranghero. Unti-unti pinaghilom niya ang mag sugat ko. Ginawa niyang magaan ang paglipad dahil pinaramdam niya na hindi ako nag iisa sa kahit ano.

Pero nakukunsesnya ako. Hindi dapat ako nakampante sa ganoong pakiramdam dahil may kailangan akong balikan. Ikaw iyon. Pero ang masaklap lumipad ka na rin pala. Mas matapang ka na at mas makisig kaysa dati. Kaya mo ng panindigan ang taong mahal mo. Kaya mo ng iparamdam sa kanya na hindi siya nag iisa sa laban. Na hindi lang siya ang may gusto ng relasyong mayroon kayo. Kaya mo ng iparamdam na siya ang sentro ng mundo mo. Kaya mo ng iparamdam ang seguridad na kailangan ng puso niya. Kaya mo na.

Pero hindi nga lang sa akin kundi sa iba. Naisip ko na ako ang may mali. Dahil lumisan ako, pero kinailangan kong gawin iyon. Naisip ko sana naghintay na lang ako, kung sana ay naghintay pa ako ng mas matagal sana nakita ko paano ka nagbago. Naranasan ko sanang ipaglaban mo pero hindi na mangyayari ang bagay na ‘yan ngayon.

Ni hindi mo na nga ako kayang lingunin, ni hindi mo na nga maalala ang lahat sa akin.

Sayang hindi umabot ang pag-ibig ko. Sayang at hindi naging sapat ang lakas ko. Ngayon pareho na nating narating ang bukana ng ating mga pangarap, ngunit hindi tulad ng inaasahan ko.

Magkaiba na tayo. Hindi tayo sa iisang pangarap humapo. Ito na ang huling paglingon ko sa iyo. Papalayain ko ang aking sarili. Patawarin mo ako kung ang pag-ibig ko’y hindi sapat at hindi umabot. Dahil pinapatawad na kita sa hindi mo pagkapit sa akin noong mga panahong nais kong lumipad kasama ka.

Hanggang sa muling pagkikita. Ikaw pa rin ang natatangi kong kaibigan.

Paalam.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

Comments Go Here ▼

Comments

SHARE
Previous articlePaglaho
Next articleAng Pangako