Paglisan

by Edgar Ramizo Tamayo Jr. | shared on He Said, She Said |

Seryoso ang katahimikan,
may gusto nang lumisan,
talikdan ang buklod ng sumpaan.

Nais mong ako ay pumalaot
habang ang bagyo ay may poot.
Batid kung walang mahuhuling saya
kundi tanging pait ng pagluha.

Para sa iyo,
hindi na pantay ang timbangan
ng ating puso at pagmamahalan.

Mabigat na ang kimkim na pighati
dulot ng aking mga pagkakamali.
Ang basag ayaw mo nang ipagtagpi
di na kayang dalhin ng unawa’t timpi.

Wala na ang iyong pag-ibig,
putol na ang koneksyon sa dibdib,
wala nang pulso at wala ng pintig.

Tulad ng paghalik sa langit
ng butihing ulap,
ito ay nalusaw sa agarang iglap.
Binuksan mo ang palad
sa pagkakahawak
upang ikaw ay malayang makalipad.

Nais ko mang ilaban
ang aking pagmamahal,
alam kong malabo at mapusyaw
ang kulay,
puso mo’y manhid at wala ng pakiramdam.

Sige, sa ikaliligaya mo, ako ay papalaot,
susugurin ang galit ng sigwa at unos.
Sasagwan palayo sa puso mong pagod
kahit tiyak ang aking pagkalunod.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.
Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right approve or reject submissions for posting.

Comments Go Here ▼

Comments