Pagyakap sa Lumulubog kong Araw

by Pyong Del Monte | shared on He Said, She Said |

Magpapatuloy, magpapatuloy ang pagsulat ng lungkot dito,
dito sa pusong wasak na hindi ko na malaman kung paano
at papaano pa ito mawawasak.

Bagamat nagpapakatatag, ang totoong damdamin
ay hindi ko pirming maitatago sa mga sulok ng kwarto
na saksi sa bawat patak ng luhang sinayang
dahil sa mga bagay na hindi ko na malaman
bakit ako nasasaktan.

Malungkot at nalulungkot hanggang sa ang araw ay lumubog
at makain na ng dilim ang liwanag katulad ng buhay kong
nasakop na ng kalungkutan at hindi na malaman ano ang kasiyahan.

Ang pagtangis ng ulap ay sumasabay sa pag iyak nitong pusong durog
at patuloy na nadudurog sa mga kadahilanang ako
ay takot ng harapin at malaman.
Patuloy lang ang paglakad hanggang sa ako’y muling madapa
dahil ito naman talaga ang buhay na nakatadhana.

Subalit ako ay tatayo at magtatapang tapangan ngayon
at magtatapang-tapangan bukas kahit ang loob nito’y sumuko
na sa lahat ng pagwasak na ginawa nitong mundo.
Ako’y magtatapang tapangan hanggang sa matutunan kong
maging tunay na matapang at harapin lahat ng balakid
na maaaring sumira sa itatayo kong tulay
upang marating ang taong gusto kong marating.

Gusto ko mang sumaklolo pero hindi hihingi ng tulong
at lahat ay ibubulong na lang sa hangin
hanggang sa ako’y makatulog na lang sa sakit at lungkot
na ngayon ay natuto ng tumira dito sa puso at damdamin.

Patawad kung marupok ngunit pinipilit namang lumaban
at ako ay lalaban at pipiliting lumaban hanggang
sa isa na namang araw ang dumating at wawasak sa akin.

Patawad, patawad kung ako man ngayon ay nalulungkot
at sumusulat na para bang hinahakot, hinahakot ng agos
pero ako’y mananatili sa liwanag
kahit na ako ngayon na ay ubos na ubos.

Comments Go Here ▼

Comments