Pahinang Wala Ka Na

Pahinang Wala Ka Na
nina Frensy Ritz Barretto & Reginald Caminero
 
Gusto kong sumulat,
Pero mukhang
Karamihan dito ay
ang kwento kung paano
ako nagkasugat
 
Gusto ko muling sumulat
Pero hindi ko maipapangako
Na magiging masaya ang pagtatapos
Huwag kang magugulat
 
Heto na, muli na naman akong magsusulat,
Pagsusulat kong minsang huminto nang ika’y lumayo,
Saan magsisimula,
Sa una ba kung saan tayo nagkakilala?
O sa istorya nating patapos habang
ang sa inyo ay bago pa lamang nagsisimula
 
Hawak ko ngayon ang isang lapis at piraso ng papel
Mga letrang gusto kong pagtagpi-tagpiin
Gamit ang mga kwento ng kahapon
Pero malabong kwento ito ng ikaw at ako
 
Sa aking kaliwa, nakahanda ang pambura,
Pambura na kayang tanggalin
ang naisulat ng nakaraan,
Alam ko na alam mo kung gaano kabigat
ang bawat pagsulat mo ng letra,
Na kahit burahin ay tanaw ang bakas,
ang sugat na iniwan mo sa akin
 
At sa aking kanan naman ay ang mga kupas na larawan,
Larawang minsan ay gusto kong balik-balikan,
Tapos makikita ko na lang ang sarili na luhaan na para bang batang naghahanap ng nawawala niyang laruan
 
Alam ko na, laruan,
Naaalala ko ‘yong mga panahon na masaya tayo,
Na para bang naglalaro tayo,
pero tila isa lang pala akong laruan sa’yo,
Laruan na nandito, laruan na nilisan mo
 
Pero teka sabi ko magsusulat akong muli,
Magsusulat akong muli,
Ngunit sa pagkakataong ito hindi na ikaw at ako,
Hindi na ‘tayo’ ang magiging paksa nito,
Magsusulat ako dahil malaya na ako
 
Sa aking paglaya, hindi ko alam
kung tunay nga ba talaga akong nakalaya,
Marahil ako ay nakulong, nakulong
at patuloy na kinukulong ang sarili
sa paghahanap ng taong papantay
o makakahigit sa’yo,
Sa bawat segundo, sa bawat minuto,
walang araw na hindi ko hinanap ang sarili ko,
 
Sa mga letrang isinusulat ng mga kamay ko
ay ang tadhanang naghihintay din sa akin,
Sa mga papel na ito mababakas
ang tibay ng loob ko sa mga pagbabago,
hindi man ikaw ang makakasama ko
sa panibagong pahina ng tula ko,
tandaan mong nakaukit ka sa puso ko
 
Binabago ko, pilit na binabago ang sarili ko,
Pero ngayon hindi na para sa’yo,
kundi para sa akin, para sa pangarap ko,
Naalala ko nang inukit natin
ang ating mga pangarap, kasama ka,
magkasama tayo,
 
Panibagong pahina
ang pupunan nitong aking lapis,
Mapunuan ng mga bagong alaala,
Na malaya na ako,
Na tanggap ko na,
Na hanggang dito na lang
ang k’wento nating dalawa,
Na merong siya at ikaw,
At merong ako,
 
Ako na muling nabuo mula
sa pira-pirasong nadurog ng kapalaran,
Kapalarang minsan tayong napaglaruan,
Salamat, dahil kung hindi ako nadurog noon,
Hindi ako matututo,
Hindi ko malalaman na ako ay
isa nga palang diyamante
na bumangga sa batong tulad mo.
 
Sa pagkakataong mababasa mo ang tulang ito,
Masaya na ako,
Malaya na ako.
Minahal mo ako,
Minahal din kita
Pero mas napatunayan kong
mas mahal ko ang sarili ko.
Sumulat akong muli,
Tinapos ang sa atin
Pero magsisimula akong muli.
Magsisimula akong muli.
Magsisimula ako,
Kaya basahin mo ‘to.

Comments Go Here ▼

Comments