Para sa lalaking inakalang hindi ko siya ginusto

by Raven Kate Austria | shared on He Said, She Said |

Para sa lalaking inakalang hindi ko siya ginusto,
Pinaliwanag mo sakin ang mundo.
Sinabi mong ito’y Magulo.
Na ito’y Malabo.
Na kung minsan naman ay madilim.
O kaya naman ay Malalim.

Pinakilala mo sakin ang bawat sulok,
Pinagkatiwalaan.
Hinayaan mo kong kilalanin ka,
Dahan-dahan.
Hanggang makarating tayo sa dulo
kung saan anino mo’y nagmistulang nakatayo.
Tinangka kitang lapitan, hawakan pero
bigla kang naglaho.
Hindi ko mapagtanto.
Nawala ka sa kinatatayuan.
Iniwan mo ako ng biglaan.

Hinanap kita.
Umaasang magkikita pa.
Tumakbo ako sa malayo
Baka sakaling doon ay magtagpo.
Mabilis, nakakapagod.
Nilibot ko ang bawat eskinita
Na may halong pananabik.
Sinugurong hindi ka malalagpasan
O kaya’y maiiwanan.
Hinihiling na sa baka sa pagkakataong ito,
Aamin ako sa harap mo,
At sasabihing
Ikaw ang nag iisang paborito at gusto.

Pero hindi ganon kadali.
Lalo na kung puno ako ng pagbabakasakali..
Na baka hindi ka pa nakakaahon
Sa mga alaalang nilipasan na ng panahon.
Na baka mali ako.
Na baka hindi totoo, hindi ako.
Hindi ako ang gusto.
Hindi ako ang paborito.

Kaya tatakbo ulit ako
Hindi na sayo patungo.
Tatakbo ako, pabalik.
Palayo.
Hanggang umabot ako sa sulok
Kung saan anino mo’y mistulang nakatayo.
Hindi na tatangkain lapitan at hawakan ka.
Wala ng dulo.
Wala ng maglalaho.
Sapagkat hindi na aamin,
Na ikaw ang nag iisang paborito at gusto.

Ito ang mundo.
Magulo.
Malabo.
Malalim.
Madilim.

Feel free to send in your poems via message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done weekly. If they’re not posted yet, please send in another one.

Comments Go Here ▼

Comments