Para sa mga Pusong Nahihirapang Makalimot

ni Mary Angelica Bonifacio

Akala mo noon, hindi mo kaya… Hindi mo kayang bumitaw… Hindi mo kayang mag-let go… Dahil ilang minuto pa lang ay hindi ka na mapakali, naninikip na ang iyong dibdib, at nanggigilid na ang iyong mga luha.

Akala mo noon, hindi ka na makakalakad palayo sa inyong mga alaala… Dahil isang hakbang mo pa lang ay nanlalambot na ang iyong mga tuhod at nanginginig na ang iyong mga binti.

Pero ngayon ay nakaya mong huwag tingnan ang cellphone mo nang ilang oras. Nakaya mong magbasa ng libro nang hindi sumasagi sa isip mo ang alaala nya. Nakaya mong manatili sa iyong higaan nang hindi iniisip na dapat ay nasa tabi mo sya.

Yung akala mong hindi mo kaya ng ilang minuto, nakaya mo na ng ilang oras. Kaya’t kakayanin mo rin yan ng ilang araw, ilang linggo, ilang buwan, ilang taon.

Ang mahalaga ay kinakaya mo.

Magpatuloy ka lang… Dahil bawat segundo na umuusad ka ay umuusad ka palayo sa kinalalagyan mo ngayon, palayo sa sakit, palayo sa kanya. Kaya’t magpatuloy ka kahit mabagal, kahit usad-pagong, kahit igapang mo ang bawat kakarampot na distansya.

Ang mahalaga ay hindi ka tumitigil.

Huwag kang huminto sa wakas… Kahit nakakalungkot. Kahit nakapanghihina. Kahit nakakatakot. Dahil ang bawat pagtatapos ay isang panibagong simula.

Panibagong araw. Panibagong ikaw.

Comments Go Here ▼

Comments

SHARE
Previous articleUnexpected
Next articleHuli Na Ang Lahat