Para Sa ‘Yo

by Evamae Manacho | shared on He Said, She Said |

Naaalala mo pa ba?
Kung paano una tayong nagkakilala?
‘Yung minsang nakita kitang kasama sila
Tumatawa sa mga biro nilang sagana
Rinig na rinig ko, ang tono
Ng kasiyahang gusto mong ipakita
Pero sa mga sandaling iyon
Bagamat ang tawa mong malakas ang naririnig ko
Sakit at pait ang nakikita ko mula sa mga mata mo
Na kahit subukang ikubli
Ng ngiti sa ‘yong mga labi
Ay nakikita ko pa rin
Kung gaano kabigat ang ‘yong pasanin
Nang araw na iyon
Alam mo bang laking pasasalamat ko
Mga paru-paro’y nagsimulang maglaro sa sikmura ko
Dahil sa wakas, ako rin ay pinansin mo
Hindi alintana ang sobrang tagal kong panunuyo
Dahil mas nangibabaw ang sayang dulot ng tingin mo
Kahit ilang beses mo man akong binalewala
Dahil sa kasaganahang patuloy ko sa ‘yong ibinababa
Kahit minsan mo na akong kinalimutan bigla
Sa kadahilanang sinubukan mong tumayo mag-isa
Kahit nung sandaling hinayaan mong umikot ang iyong mundo
Sa taong kalauna’y mga pangako naman ay napako
Laking pasasalamat ko
Dahil binalikan mo ako
Muli mong sinabing Mahal mo ako
Simula noon narinig ko ng muli ang boses mo
Yung tawa na hindi para ikubli ang bigat na dala mo
Kundi ‘yung tawa ng katagumpayang hatid ko
Naririnig ko
Ang tinig mong hawig sa lira
Umaawit ka, dahil sabi mo ako ay iyong dinadakila
Napanood kitang bumalik sa dati mong sigla
Ngayon na hawak na kita
Ang pagbitaw sayo’y hindi ko magagawa
Sapagkat Mahal na Mahal kita
At hindi ito ang pagmamahal na ipinakilala sa ‘yo ng mundo
Kundi ang pagmamahal ko na tunay at totoo
Ito lang ang pakatatandaan mo
Ako’y patuloy na mananatiling tapat sa ‘yo
Dahil minsan ko ng inialay ang buhay ko para sa ‘yo


Feel free to send in your poems (English or Tagalog) via message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right approve or reject submissions for posting.

Comments Go Here ▼

Comments

SHARE
Previous articleAkala
Next articleAlam Mo ba?