payong

Payong

by Joyce Ann Keilsy Leido | shared on He Said, She Said |

Spoken poetry

Hindi ko alam kung paanong nagsimula,
marahil dahil ito sa payong mong dala dala,
Nakakatawa di ba, kasabay ng pagbuhos ng ulan,
nagpakilala ka.

Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon,
natagpuan ko nalang ang aking sariling
nakatitig sa ‘yong mga matang puno ng ibat ibang emosyon.

Marahil napansin mo ang aking pagkakatulala,
nagsalita ka, “ayos ka lang ba?halika, ihahatid na kita.”
Hindi mo na hinintay ang aking tugon,
iginaya mo na ko kung san paroroon.

Dito nga! Ito nga ang ating umpisa,
kung saan tayo nakabuo ng mga magaganda
at masasayang alala.

Naalala mo pa ba yung una tayong nanood ng pelikula,
kung saan bigla mong hinawakan ang mga kamay ko
at sinabing “mas maganda ka pang pagmasdan kesa dun sa eksena.”

Naalala mo pa ba nung naglaro tayo sa ulan,
na parang mga batang binigyan ng kalayaan,
nanginginig na sa lamig ang aking katawan,
ngunit dahil sa higpit ng yakap mo bigla itong lumisan.

Naalala mo ba pa yung mga gabing sabay natin pinanood
ang nagniningning na mga bituin, kasabay ng huni at kislap
ng mga alitaptap na sumusulyap sa pag ibig natin.

Naalala mo pa ba ang lahat ng iyon?
O kinalimutan mo na tulad ng paglimot mo
sa mga pangako mo noon?

Masarap balikan ang mga alaala, pero masakit din pala!
Hindi ko alam kung panong nangyari,
parang kapeng pinabayaan, nanlamig ka.

Nawala na ang dating giliw sa ‘yong mga mata
sa tuwing tayo’y magkasama.
Pinilit kalimutan ang mga agam agam na nararamdaman.

Umasa na magliliwanag ang pagmamahal
pagdating ng kinabukasan.
Ngunit kahit anong gawing hakbang,
di na maibabalik pa ang nakaraan,
tuluyan ng nawala ang naglalagablab na apoy
ng ating pagmamahalan.
Paano ko ba ito ipaglalaban
kung ang iyong tanging gusto ay mamaalam?

Mahal, may kulang pa ba?
Nung sinabi kong mahal kita,
hinding hindi ako mapapagod,
manginig man ang kalamnan, manlambot man ang tuhod,
hinding hindi magpapatianod.

Mahal, may kulang pa ba?
Malupit ang mundo, pero ang maging malupit sa ‘yo
wala sa pagpipilian ko.

Mahal, may kulang pa ba?
Gaano man kahirap ang daan ikaw pa rin
ang hantungang inaasam.

Mahal, may kulang pa ba?
‘Sing nipis man ng sinulid ang pag asang hahawakan,
hinding hindi bibitawan.

Mahal, may kulang pa ba?
Hahanapin kita saan ka man magpunta,
na dapat sana’y sarili ko muna.

Mahal, May kulang pa ba?
Gaano man kahaba ang araw
sa ‘yo pa rin uuwi ang puso kong hinahapo na.

Mahal, tulad ng maraming k’wento may katapusan din tayo,
ngunit aking napagtanto,
ang salitang “tayo” ay wala sa iyong bokabularyo.

Mahal, ipagpatawad mo kung ang dating payak mong buhay
ay naging kumplikado.
Ngayon, huli na to,
Malaya ka na, hindi dahil kinulong kita sa pagmamahal ko.

Malaya ka na, sapagkat aalis na ako,
hahayaan ko ng mabasa ng tubig ulan ang katawan ko
at hinding hindi na ako muling susukob sa payong mo.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

Share This!

Comments Go Here ▼

Comments

by Joyce Ann Keilsy Leido | shared on He Said, She Said | Spoken poetry Hindi ko alam kung paanong nagsimula, marahil dahil ito sa payong mong dala dala, Nakakatawa di ba, kasabay ng pagbuhos ng ulan, nagpakilala ka. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon, natagpuan ko nalang ang aking sariling nakatitig sa ‘yong mga …

Review Overview

User Rating: 4.65 ( 1 votes)
0