Sana Ako Na Lang Siya

ni Jacob Basilio |

Sa bawat oras na kasama kita, sa bawat oras na kausap kita, sa bawat oras na tayo ay masaya, hindi ko mawari kung ano’ng aking nadarama.

Sa bawat araw na nariyan ka, hinihiling ko na sana’y ‘wag ng lumisan pa. Hindi ko alam ano’ng aking pakiramdam sa oras ng iyong pag-alis at paglisan.

Mahal kita, alam kong mahal mo rin ako. Sana’y hindi magbago ang pag-ibig na inalay mo.

Mahal kita. Mas mahal mo ako. ‘Yun ang sabi mo, ‘yun ang laging tugon mo. Sobrang mahal kita, ‘yan ang sabi mo.

Tinitigan mo ako. Ganun din ako sa ‘yo. Sobrang mahal kita, siyang ulit mo. Wala pa rin akong kinibo sa kung ano ang sambit mo.

Bigla kang nainis at inulit ang sambit. Nagalit ka at inulit mo nga ito. Mahal kita, ako ba’y naririnig mo pa?

Mahal kita, ano ba? Bingi ka ba? Ilang minutong tumahimik ang paligid. Bigla akong nagsalita na tila ako ay galit. Sinagot ko ang mga tanong mo at ganito ang naging tugon ko.

Mahal mo ko. Mahal rin kita. Pero mahal mo ay siya talaga, di ba? “SIYA” na nauna sa ‘yo. “SIYA” na unang nagpasaya sa ‘yo. “SIYA” na tunay na nag-mamay-ari sa ‘yo “SIYA” na inuuwian mo, at ako? Ako na panakip-butas mo. Sana ako na lang siya. ‘Yung kayang hawakan ang kamay mo sa harap ng maraming madla. Sana ako na lang siya. Na kayang ipag-sigawan na ikaw ay akin talaga. Sana ako na lang siya dahil pagod na akong magpanggap na ako siya. At sana ako na lang siya. Dahil gusto ko ikaw ay maging akin na.

Mahal, ipagpatawad mo ako sa mga oras na ito. Mahal kita, sobra. Pero hanggang dito na lang tayo. Mahal kita, alam mo ‘yan. At mahal mo rin ako, alam ko ‘yun. Ngunit mahal, siguro nga ang ikaw at ako ay magtatapos na dito. Hanggang dito na lang mahal. Pagod na ako.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

Comments Go Here ▼

Comments