Si Rizal at Ako

rizal-ako
ni Zild Palacio
 
Si Rizal? Oo walang duda, bayani sya
Kilalang kilala sa bawat sulok ng mundong napuntahan na nya
Pero ang tanong ngayon ay ito,
Si Rizal at ako, meron bang pagkakapareho?
 
Sa larangan ng pagsulat malamang pareho kami
Idadaan sa sulat ang lahat ng hinaing at mga pasabi
Samantalang ako, pagsulat nalang ang natitirang paraan
Natitirang paraan para makapagsabi ng totoong nararamdaman
 
Magsusulat ng palihim at isasalin sa akda
Mag iisip ng mga salitang sa nararamdaman ko ay aakma at tutugma
Idaraan sa tinta ang mga salitang puso mismo ang dumidikta
Dumidikta oo, dumidikta ng mga salitang hindi ko kayang sabihin ng personal sa kanya
 
Si Rizal ay maraming kaibigan
Sa’n mang sulok ng mundo’y meron syang matatakbuhan
Matatakbuhan sa oras ng pangangailangan at kagipitan
Blumentritt, Viola, Collantes, Paciano, Saturnina ang ilang mga pangalan
 
Pero kabaliktaran ni Rizal ay ako
Ang dami ng kaibigan nya’y syang unti naman ng kaibigan ko
Kaibigang kakaunti lang talaga kapag binilang mo
Pero malas ko, sa kaibigan pa ako nagkagusto
 
Nagkagusto sa taong dapat ay kaibigan lang
Ginawa kong mundo ang dapat ay tao lang
Ibinigay lahat ng pwede kong ibigay at kaya ko
Pero ang sa dulo pala’y iiyak at masasaktan ako
 
Kung alam ko lang, hindi na sana
Kung alam ko lang, napigilan ko sana
Pero ang mga sanang ‘to ay hindi pwedeng magkakatotoo
Dahil kapag puso na ang nagdikta, hindi mo na ‘to mababago
 
Si Rizal matapang sya, ako hindi
Si Rizal lumaban sya ako, hindi
Si Rizal namatay sya para lang sa kalayaan
Samantalang ako, nananatiling nakakulong
Nakakulong sa ilusyong kailanma’y hindi magkakatotoo
Hindi magkakatotoo na balang araw magugustuhan nya rin ako
Hindi magkakatotoo,
dahil minahal ko ang taong kaibigan lang ako.

Comments Go Here ▼

Comments