Silipin ang Puso

by Homer Nievera | shared on He Said, She Said |

Hindi madaling ipakita kung ano ka sa akin,
Di naman ako ang tipong may-dating.
Nararamdaman ko’y malayo sa nakikita mo,
Kung alam mo lang ga’no ako kabaliw sa ‘yo.

Di naman ako tipong pa-impress na tao —
Di lang talaga ako ganoon.
Nanaisin ko pang ipakita ang mga pangarap ko
Para lubos mong maintindahan kung sino ako.

Silipin mo sana ang puso ko
Nang makita mo ang laman nito,
Lubos na pagmamahal ang maibibigay ko
Tanawin mo’t paniwalaan mo.

Wala namang perpekto kahit magsikap pa
Kaya’t may mga oras na nabibigo kita
Pero sana’y masulyapan mo ang laman ng puso
Kaya mo ‘tong paikutin, subukan mo.

Nais kong ipangako na lubos kitang mamahalin
Na narito lang ako’t maghihintay.
Masulyapan mo lang na ako’y nakangiti
Alam mo ang nais kong iparating.

Kung marining mo sana ang puso ko
Na ikaw ang tinitibok at laman nito,
Iwaksi ko man sa isip ko
Di kayang itanggi na ito’y totoo.

Dumating man ang panahon na ika’y umibig,
Maaaring sa iba ang puso’y bumaling,
Saan ka man dalhin ng tadhana,
Sa puso ko’y may itinabing dambana.

[January 15, 2007]

Feel free to send in your poems via message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done weekly. If they’re not posted yet, please send in another one.

Comments Go Here ▼

Comments