Sugal

by Squire Narvasa | shared on He Said, She Said |

Sa napakaraming pagkakataong naging duwag ako,
Ngayon lang ako nanghinayang ng ganito.
Aaminin ko takot ako.
Natatakot ako sa pwedeng mangyari kapag ito’y aking sinabi.
Natatakot akong iwanan mo lang diyan sa tabi.
Natatakot akong hindi ka makikinig at magiging bingi.
Pero mas natatakot ako kasi hindi na ako makapagtimpi.
Gusto ko nang sabihin, gawin.
Gusto ko nang liparin ng hangin,
Patungo sa kung saan ka man ngayon din.
Masabi lang sa’yo ng harapan,
Itong aking nararamdaman.
Na mahal, ikaw lang ang tanging laman,
Nitong puso’t isipan. Ikaw lang.
Mahal kita.
Sa wakas nagkaroon na rin ako ng lakas ng loob na sabihin sa’yo,
Itong lihim na matagal ko nang tinatago.
Lihim na ngayo’y isang malaking misteryo. Paano?
Paano ba ako nahantong sa ganito?
Paanong sa napakabilis na panaho’y biglang lumalim itong pagsuyo,
Na ngayo’y unti-unting lumalamon sa aking pagkatao? Paano?
Paanong sa bawat paghinga’y hinahangad ang init ng mga bisig mo?
Paano naging ganito ang nararamdaman ko sa’yo?
Hindi ako sigurado.
Isa lang ang sigurado ako,
Mahal kita.
At dahil mahal kita ikaw lang.
Dahil mahal kita ako’y sa’yo rin lang.
Dahil mahal kita hindi kita sasaktan.
Dahil mahal kita hindi ka gigising o matutulog nang may luha sa mata.
Dahil mahal kita kahit inaantok ako ipagtitimpla kita ng tsaa sa umaga,
At ipaghehele ka sa gabi kapag ika’y kasama.
At kung hindi naman, kakantahan kita hanggang ipikit mo ang iyong mga mata.
Dahil mahal kita kahit mapaos ako uulitin ko pa ring sabihin sa’yo,
Na mahal na mahal kita.
At hinding-hindi ako magsasawang ipaalala sa’yo na hindi kita bibitawan.
Hindi kita susukuan kasi alam kong ikaw lamang ang sa aki’y laan.
Patuloy akong lalaban.
Kasi alam kong iba ka, iba tayo.
Umaasa ako sa atin.
Na kung nakaya nila, kaya rin natin itong gawin.
At kung mangyaring tamaan ako ng swerte at parehas tayo ng nararamdaman,
Sabihin mo naman.
Dahil mahal, pag-ibig ang pinapatagal.
Hindi ang sagot na iyong iuutal.
Hayaan mong kagaya ko, ikaw rin ay sumugal.
Kasi ngayon hindi na ako aatras o aangal,
Ilang beses man akong maduwal,
Sa kakautal na ikaw ay mahal.
Hinding-hindi na ako lalayo.
Papatunayan ko sa’yo lalo.
Iba ako.

Feel free to send in your poems (English or Tagalog) via message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one. He Said, She Said Philippines reserves the right approve or reject submissions for posting.

Comments Go Here ▼

Comments