Tagpuan

by Bbg Scribbles | shared on He Said, She Said |

Sumasagi ka pa rin sa isip ko
May mga oras na nasasaling pa din ng pagkakataon
ang naging damdamin ko sa’yo
Yung tawa mo, buntunghininga maging
ang simpleng pagkunot ng iyong noo
kapag hindi na tayo magkasundo
Naalala ko pa ang mga ‘yon
Paminsan-minsan dala ng sobrang pangungulila
ay iniiyakan ko pa din ang ating mga alaala sa nakaraan
May mga panahon na binalak kong galugarin
ang kalawakan para hanapan ng sagot
ang mga tanong na gumugulo sa isipan
Pero napagod, nahapo’t nanamlay lamang
ang katawan — wala akong nasumpungan
Minsan gusto ko na lang isipin na itinatago iyon ng karimlan
at ipinapakita lamang ni haring araw tuwing umaga
Kung kailan ako naman ay napagod na at sumuko na
Mauunawaan ko kung iniisip mong iniwanan kita
Pero sa maniwala ka at sa hindi, naandoon ako
Sa dapat sana’y ating tagpuan
Gusto lamang kitang sorpresahin
kaya nagtago ako sa madilim na bahagi ng buwan
Nagkakuwentuhan kami at ako’y sobrang naaliw
hanggang sa nakatulugan ko ang iyong pagdating
Paggising ko, maliwanag na
Maliwanag na maliwanag na wala ka na
Bumalik ulit ako ngunit ang sumbong ng mga bituin
ay kalilisan mo pa lang din
Naulit ng naulit ang hindi natin pagkakatugma
Hanggang sa dumalang na ang iyong pagdalaw
at ako na lamang ang naghihintay
Pero hindi ako mapapagod na dito’y magbalik
Ang totoo niyan, iniwanan ko na
ang puso ko sa pusod ng karagatan
Baka sakaling marinig nito ang munting pagyaning ng lupa
kapag naisipan mong balikan ang ating nakaraan
Sa ngayon, hayaan mong magsumbong ako sa mga bituin
Hayaan mong ang kirot at ang pait ay maibulong ko sa hangin
Baka sakaling bukas, makalawa – paggising ko, nagbalik ka na
At siguro kapag nangyari yun ay may mahal ka ng iba
Pero hihintayin pa rin kita…


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

Comments Go Here ▼

Comments

SHARE
Previous articleKatulad mo
Next articleSa huling pagkakataon