Tulay

ni Edgar R. Tamayo, Jr.  (A Spoken Word Poetry)

Matinding kaba ang aking nararamdaman habang nakatayo at nakaharap ako sa “Tulay” na ito.

Urong-sulong ang aking mga paa at puno ng alinlangan at pangamba. Ang mga mata ko ay nakapako ang tingin sa kabila kung saan ikaw ay kampanteng naglalakad palayo.

Sa loob ng maraming taon ng ating pagsasama ay marami na tayong ginawang tulay.

Madalas natin itong itayo sa “ibabaw” ng mga pagsubok, sa ibabaw ng mga problema, sa ibabaw ng mga hindi pagkakaunawaan at sa ibabaw ng lungkot at mga pag-iyak.

Ang tibay nito ay depende kung gaano kalakas ang alon at hangin sa ilalim.

Minsan, medyo marupok ang nagagawa nating tulay at minsan naman ay gumigewang pa ang pagkakatayo nito. Ngunit, ang mahalaga ay sinisiguro natin na ito ay kayang daanan at makakatawid tayo doon sa “kabila” na magkahawak pa rin ang mga kamay at magkadikit pa rin ang ating mga puso at isipan. Sabay tayo lagi sa paghakbang at parati tayong nagtatagumpay.

Kaya naman, ngayon ay kakaibang tulay ang kaharap ko. Kakaiba, dahil ako lang mag-isa ang gumawa nito. Wala itong tibay at hindi man lang naipako. Ordinaryong kahoy at pantali lang ang bumuo. Iyon lang ang nakayanan ko dahil nag-iisa ako.

Kakaiba, dahil higanteng alon ang nasa ilalim at ang hangin ay katumbas nang napakalakas na bagyo at ako mismo ang may gawa nito.

Ito ang unos ng mga kasalanang nagawa ko sa iyo. Ito ang sigwa ng aking pagbabalewala sa pagmamahal na binigay mo sa akin.

Oo, ako mismo ang dahilan ng iyong paglayo. Nasa kabilang pampang ka na at iniwan ako. At sa aking paghakbang sa mahinang tulay ay agad kong naramdaman na hindi ito ang tulay na dinaanan mo sa iyong pagtawid.

Kaya naman ay agad kong inilibot ang aking paningin sa palagid at doon ko nakita ang isang napakatibay at konkretong tulay sa dakong kanan. Dito ka tumawid at ikaw ang may gawa nito.

Kapansin-pansing banayad ang ilalim nito. Walang hangin. Walang bagyo. Walang unos. Walang sigwa.

Isa lang ang ibig sabihin, nalagpasan mo na ang problemang hatid ko at kinalimutan mo na ako.

Mahal, pipilitin kong tawirin ang tulay sa harap ko. Sisikapin kong marating ka sa dulo para muling mahawakan ang kamay mo at para mayakap ka ng mahigpit. Hindi para ipilit ang sarili ko.

Yayakapin kita sa huling sandali para ibigay ang lubos na “Kalayaang” nararapat sa iyo. Pero kung sa kalagitnaan ng tulay ako ay mahulog at tuluyang malunod, isa lang ang hinihiling ko,

“Sana ay mapatawad mo ako.”

Comments Go Here ▼

Comments

SHARE
Previous articleAng Babaeng Mahal Ko
Next articleLibro