Wala munang libre

by Sam JCB | shared on He Said, She Said |

Pakiusap,
wala munang libre—
sa jeep,
sa mall,
sa fastfood restaurant,
o maging sa tindahan ni aling Nena.
Oo,
wala munang libre
dahil wala pa akong bala—
trabaho,
pondo,
at oras para manlibre.
Kaya pakiusap,
wala munang libre,
dahil sa oras na ito,
sarili ko muna ang uunahin ko—
ilibre,
pakainin at busugin,
at bilhin kung anong gusto ko.
Pasensya na,
magiging makasarili muna ako sa oras na’to.
Kakalimutan ko muna ang mundo.
Aaliwin ko muna ang sarili ko—
ibibigay ang sapat,
and dapat,
sobra,
lahat!
Para maging masaya,
maging kumpleto,
kuntento,
buo.

Paano ko nga naman maibibigay sa’yo ang wala ako?
Ay mali!
Paano ba kita malilibre kung sapat lang ang mayroon ako
para sa sarili ko.
Uulitin ko,
sapat lang—
walang sobra para ibahagi,
para ibigay,
sapat lang para ipagkait sa iba.

Paano kita ililibre sa jeep
kung sapat lang ang pamasahe ko para sa sarili ko?—
Papunta at pabalik,
minsan kulang pa,
kaya napipilitan akong mag 1, 2, 3,
O madalas pa’y maglakad.
Kaya pakiusap,
wala munang libre.

Paano kita malilibre sa mall—
damit, accessories, gadgets,
kung ang sarili ko nga
hindi ko mabilhan ng gamit?
Umaasa lang ako sa bigay,
at minsa’y sa ukay-ukay—
malaki,
maliit,
mabaho,
may butas,
pero pwede na.
Hindi naman kasi ako maarte gaya ng iba—
hindi ako mayaman,
hindi ako mapili,
marunong akong magtiis.
Kaya pakiusap,
wala munang libre.

Paano kita malilibre sa fastfood,
kung ako nga, nagbabaon lang ng pagkain—
hindi ko kasi afford ‘yung pagkain sa labas—
McDo, Jollibee, Mang Inasal, Pizza hut…
nakakapag-laway!
Lalo na kapag napapanuod ko ang mga ‘yon sa black and white naming T.V.
Kaya pakiusap,
wala munang libre.
Oo,
wala munang libre.
Ako muna.
Sarili ko muna.
Wala munang ikaw,
o kayo,
o maging tayo.
Wala munang libre—
sa buhay,
sa nasa,
sa oras.
Hayaan mo munang ilaan ko ang isang daang porsyento
ng lakas at oras ko para sa sarili ko—
para sumaya at maabot ko ang mga pangarap ko.
O mas mabuting sabihing para maabot kita,
dahil ikaw ang pangarap ko.
Pangako, kapag kumpleto na ako,
at hindi na umaasa sa iba,
at kaya ko nang ibahagi ang kung anong mayroon ako,
Ikaw naman—
Papasayahin kita
bubusugin sa pagmamahal,
at pupunuin ang pangarap.
Ililibre kita.
Ibibigay ko sa’yo ang lahat,
ang nararapat,
ang sapat,
ang tawa,
ngiti,
saya,
kahit ang mundo.
Ibibigay ko sa’yo ang sarili ko,
pero pakiusap,
sa oras na ito,
wala munang libre.


Feel free to send in your poems (English or Tagalog) via message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right approve or reject submissions for postin

Comments Go Here ▼

Comments

SHARE
Previous articleDati
Next articleMiss na kita