Writer’s Block

by Bads Olfato | shared on He Said, She Said |

Hindi ako makapagsulat tungkol sa ‘yo.
Ilang beses ko nang sinubukan.
Pinilit lapatan ng salita ang nararamdaman,
kung paanong lumulutang sa saya ang puso ko pag nakikita kita,
kung paanong pinagmamasdan ko ang likod mo pag papalayo ka na,
kung paanong gusto kong patigilin o pabagalin ang oras pag nasa tabi kita,
kung paanong namimilipit sa kaba ang dibdib ko pag itetext kita,
kung paanong mas namimilipit sa kaba ang dibdib ko sa paghihintay ng reply mo.

Hindi ako makapagsulat tungkol sa ‘yo.
Kinakapos ako sa mga salitang makapaglalarawan sa yo.
Kung paanong kumikislap ang mata mo pag nagbibiro ka,
kung paanong tila sumisikat ang araw sa iyong ngiti,
naaakit ako sa liwanag, masaya akong magbabad sa init.

Hindi ako makapagsulat tungkol sa ‘yo.
Hindi ko mahanap ang salita na sasapat sa nararamdaman ko
Kung paanong tumatalon ang puso ko pag naririnig kitang tumawa,
kung paanong nawawalan ako ng pakialam sa mundo pag pinagmamasdan kita,
kung paanong tumitigil ang mundo pag tumitingin ka sa ‘kin.

Hindi ako makapagsulat tungkol sa ‘yo.
Tungkol sa kung gaano ko kagusto na makasama ka,
kung gaano ko kagusto na makausap ka,
kung gaano ako nagdarasal gabi-gabi na kamustahin mo ako,
na hanapin mo ako,
na sana ipinagdarasal mo rin ako gabi- gabi gaya ng ginagawa ko.
Na sana ako ang unang alaala mo sa paggising
at huling alaala sa pagtulog
katulad ng kung paanong ganun ka sa akin.

Hindi ako makapagsulat tungkol sa ‘yo.
Kaya naisipan kong isulat ang kawalan ko ng kakayahang ito.
Kawalan ng kakayahang bumuo ng salita para sa mga nararamdaman.
Kawalan ng kakayahang sabihin ito sayo nang harapan.
Hindi ako takot.
Hindi ako takot sa mundo, mahal
Maniwala ka, ito na ata ang pinakamatapang kong ginawa sa tanang buhay ko,
ang mahalin ka.

Ngunit kinailangan kong magsulat tungkol sa ‘yo.
Sa pakiwari ko nababawasan ang nararamdaman pag naililipat ito sa mga titik
Tinatangay ng hangin pag naililipat sa papel.
Kinailangan kong magsulat.
Nung una sana, para mabawasan ang saya,
para masaway ko ang puso ko na umasa.
Nung huli, para mabawasan ang lungkot,
ang sakit sa pag-asa at pagkabigo.

Kinailangan kong magsulat tungkol sa ‘yo.
Masabi ko man lang sa pamamagitan ng mga letra ang nararamdaman ko.
Mabawasan man lang ang sakit dahil walang pagbabalik nito,
mula sa taong ninais kong makatabing umupo habang minamasdan ang mundo.
Kinailangan kong magsulat,
hindi para sa iyo,
kundi para sa akin.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

Comments Go Here ▼

Comments

SHARE
Previous articlePaggising
Next articleDrowned