Yakap

yakap poem

ni Karen Beralde |

Yakap.
Noo’y maulang gabi
Yakap mo ‘ko.
Yakap mo ‘ko sa kadahilanang napasambit mo ‘ko
ng matamis kong oo.
Mainit. Di ko mawari ang nararamdaman.
Basta ang alam ko dito naganap
at nagsimula ang ating pagmamahalan.
Ngunit dito rin ba natin makakamit
ang pagmamahalan na walang hanggan?
Oo tanga na kung tanga.
Naniwala sa matatamis mong kataga.
Sino bang hindi maniniwala sa taong mahal ko?
Sino bang mag-aakala na ang tiwalang minsa’y binigay
ay sinira ng taong mahal ko?
Mahal ko? Oo mahal ko.
Siya ang bawat pahina ng buhay ko.
Siya ang  prinsepe sa bawat storyang nababasa ko.
Siya ang nagbibigay liwanag sa madilim na yugto ng buhay ko.
At higit sa lahat siya.  Siya ang tinitibok ng puso ko.
Pero ano ang sinukli niya sa ‘kin?
Walang humpay na sakit?
Na ang babaeng yakap-yakap mo noong maulang gabi
ay gabi-gabi mong pinapaiyak?
Samantalang ikaw ay nahihimbing sa pagtulog
na para bang walang nangyari.

Yakap.
Yakap na imbes init ang maramdaman
ay nagmistulang alambre na pumupulupot sa ‘king katawan.
Oo masakit.
Pero tiniis ko yon dahil sa pag-ibig na nararamdaman.
Alambreng nakakasakal, nakakasakit,
pero hindi iyon inalintana
nung babaeng yakap-yakap mo nung maulang gabi.
Sapagkat ikaw na rin ang nagsabi na
“aalagaan kita at ituturing na akin ”
Nagtiwala ako.
Nagtiwala ako sa mga sinabi mo dahil sabi ng puso ko.
Pero hindi ko na kinaya.
Patawad kung sinukuan kita.
Masyado nang marami ang sugat na aking nadama
Sa sobrang lalim di ko alam kunh maghihilom pa.
Hindi ko na kaya tumanggap ng yakap mula sa iyo o sa iba.
Pinilit kong ipaglaban na nagbabakasakaling ito’y magtagal pa.
Pero itong babaeng yakap-yakap mo
noong maulang gabi ay sumuko na.
Napagtanto na siya lang ang lumalaban sa inyong dalawa.
Nasaan na?
Nasaan na yung saya at kagalakan nung araw na sinagot kita?
Dito na lang ba matatapos ang pahina ng ating storya?
Aasa sa tsansang tayo pa ring dalawa?

Yakap.
Maaring sa yakap nagsimula ang lahat
Yakap rin pala ang tatapos sa ating dalawa.
Noong maulang gabi.
Yakap-yakap mo ang babaeng minsan mong minahal.
Sabay iwan ng mga katagang
“Patawarin mo ‘ko aking mahal. Paalam”
Naglakad ka papalayo sa ‘kin
hanggang sa ika’y maglaho saking paningin.
Umiyak ako.  Hindi sa labis na kalungkutan.
Kundi sa sayang naihatid ng ika’y lumisan
Tila nawala ang nagmistulang alambre na siyang papatay sa ‘kin.
Ang sarap sa pakiramdam na ikay malaya na.
Na ang babaeng yakap yakap mo
noong maulang gabi ay malaya at masaya na.

Salamat.
Salamat sa lahat.
Salamat sa panandaliang saya
Salamat sa inspirasyong dala
Salamat sa pagmamahal na naipadama
At higit sa lahat
Salamat sa yakap mong minsan ng naging
dahilan ng istorya nating dalawa.

Comments Go Here ▼

Comments