Nang Dahil sa Mabagal na Internet Connection

by Mhitz Tamayo | shared on He Said, She Said |

Nang dahil sa mabagal na internet connection na para bang hinahadlangan ka na makamtan ang isang bagay na matagal mong inasam. Unti-unting nawala ang kakarampot na pag-asang maisusulat mo na ang sarili mong love story.

Minsan gusto kong magmaktol sa langit – manumbat. Minsan gusto kong maghumiyaw. Bakit ba hanggang ngayon ako’y nag-iisa pa rin?

Bakit hanggang ngayon ako’y nagtitiis na hawakan ang aking sariling kamay kahit ‘di ko maiwasang maiinggit sa bawat magkaparehang makakasalubong na hawak ang kamay ng isa’t – isa?

Bakit hanggang ngayo’y kabilang pa rin ako sa mga babaeng nagmumukmok sa loob ng silid tuwing araw ng mga puso?

Bakit hanggang ngayon sarili ko pa ring mga bisig ang yumayakap sa puso kong nanlalamig?

Bakit walang nagkakagusto sa akin? Bakit ang unfair ng mundo?

Alam kong hindi ako biniyayaan ng magandang mukha ‘ni magandang hubog ng katawan ay ‘di man lang ibinalato sa akin. Pero mabait naman ako tapos matulungin, tapos, mabait ulit.

Siguro nga desperadang hakbang na kung maituturing nang subukin kong sumali sa isang couple group chat.
Pero masisisi mo ba ako kung nainip na ako sa tagal ni tadhana na ibigay sa akin ang lalaking magdudulot ng ngiti sa aking mga labi? Masisisi mo ba ako kung sabik ako sa pakiramdam ng inlove – yung totoong inlove? ‘Yung pakiramdam na may magpapaalala sa’yo ng “kumain ka na”, “ingat ka”, “matulog ka na”, “wag kang magpakapagod”, kahit pa alam mo sa sarili mong kahibangan ito dahil kahit sino namang tao ay alam kung anong oras siya dapat kumain, matulog, o magpahinga.

Nang mga panahong ‘yun wala na akong pakialam kung matawag akong hibang o ang mas malala’y desperada. Isa lang ang gusto ko, ang maranasang magmahal at mahalin – kahit sa isang desperado at ‘di tiyak na hakbang.

Ayon sa gumawa ng group chat, kailangan daw naming mamili ng kapareha ngunit ang mahigpit na ipinagbabawal, hindi ka maaaring mahulog sa iyong kapareha. Maaari kayong maglandian ngunit ang malas na mahuhulog sa mga huwad at mabubulaklak na salita, ay tatanggalin sa group chat.

Madali akong mahulog. Hindi ko agad nalalaman ang kaibahan ng huwad sa sinsero. Madali akong mabola – mapaikot. Una pa lang alam ko na ang maaari kong kahinatnan sa aking pinasok. Pero nagbakasakali ako – umasa sa isang malabong bagay.

Isang nakakaboryong gabi, nakilala ko sa gc si Tony. Nagkwentuhan saglit, naaliw sa isa’t – isa, nagkapalagayan ng loob. Hanggang sa nakita ko na lamang ang friend request niya sa akin. Pagkatapos ko iyong tanggapin, agad niya akong chinat.

Nagsimula sa pagtatanong ng iba’t – ibang bagay tungkol sa isa’t – isa, hanggang sa binanatan na niya ako ng pick – up lines, hanggang sa siya’y magtapat na sa akin ng pag-ibig.

“Liligawan kita”
“Patawa! Para ba ‘to sa group chat?
“Hindi ah! Seryosohan ‘to”
“Bahala ka”

Hindi ako sumagot ng Oo o Hindi. Kasi gusto ko ang ideya na iyon. Gusto ko ang ideyang sa kauna-unahang pagkakataon ay may manliligaw sa akin ng medyo seryoso. Sa kauna-unahang pagkakataon mararamdaman ko ang pakiramdam ng maligawan.

Alam kong masyadong malabo ito. Sa gc lamang kami nagkakilala, hindi ko siya personal na kilala, hindi ko nasisiguro na sinsero siya sa kanyang hangarin sa akin. Pero isa lamang ang nasa isip ko – masaya ako.

Niligawan niya ako sa facebook. Marahil hindi kasing romantiko ng mga nababasa ko na wattpad stories, pero gabi – gabi akong tila nakalutang sa alapaap sa tuwing magkakachat kami.

Umabot ng isang lingo ang panliligaw niya. Hanggang isang araw, “Kailan mo ba ako sasagutin?”

Para akong dinaluyan ng libo – libong boltahe ng kuryente sa tanong na iyon. Wala namang espesyal sa tanong na iyon pero may isa kasing ideya na pumasok noon sa isip ko – sasagutin ko na siya.

“Ngayon na mismo. Oo, sinasagot na kita”
Nang biglang — “No internet connection please try again later.”

Gusto kong magmaktol sa langit at sisihin lahat ng pwede kong sisihin. Gusto kong sisihin ang corrupt sa gobyerno na dahilan ng aming paghihirap kaya maski pampakabit ng wi – fi ay wala kami. At ang SIM card network ko na ngayon pa nagloko ang freedata kaya hindi ko nai – send ang aking mensahe na babago na sana sa matagal ko ng single status.

Naghintay ako na maging 3G na ang signal. Isa, dalawa, tatlo, apat, hanggang sa inabutan na ako ng muling pagbubukang liwayway ngunit G lamang ang nakalagay na signal. Gusto kong kamuhian ang letrang G. Gusto kong hanapin ito at ipasalvage kung maaari. Gusto kong ireport sa kinauukulan ang pagkawala ng numerong 3. May galit ba ito sa akin at tila tinataguan ako nito sa mga panahong kailangang – kailangan ko ito?

Naghintay pa ako na umayos ang aking signal ng ilang oras. Dinasalan, kinantahan, sinayawan, kinausap, niyakap, hinalikan ko na ang cellphone ko pero letrang G pa rin ang nakikita ko at hindi 3G.

Nagdesisyon na akong pumunta sa internet café para magrenta ng PC. Sinukuan ko na ang freedata ko na tila hinahadalangan ako sa pagbuo ko ng aking sariling love story.

Ngunit hindi ko inaasahan na sa pagbackread ko sa gc, mababasa ko ang landian ni Tony sa isa pang babae sa gc. Binanatan pa ng walang hiya ng pick – up lines ‘yung babae. Mga salitang minsan niya na ring ginamit sa akin.

Gusto kong hagilapin ‘yung malanding impakta dahil alam niya namang may kapareha na si Tony pero nakuha niya pang makipaglandian dito. Gusto kong maiyak dahil sa katangahan ko. Umasa ako na pwedeng maging seryoso ang isang bagay na nagsimula sa laro. Umasa ako na sa pagkakataong ‘to, pagbibigyan na ako ni tadhana.

Binasa ko ang mga mensahe sa akin ni Tony na hindi ko pa na-se-seen. Gusto kong maiyak. Gusto kong maiyak sa sarili kong katangahan.

Nang dahil sa mabagal na internet connection na para bang hinahadlangan ako na makamtan ang isang bagay na matagal kong inasam, unti-unting nawala ang kakarampot na pag – asang maisusulat ko na ang sarili kong love story.

“Uy! Pssst! Ba’t bigla kang naglog-out?”
“Naiinip na ako! Sasagutin mo pa ba ako?”
“Isa! Sige dedmahin mo ako!”
“Fine bahala ka na!”
“Akala mo maganda ka para maghabol ako! Fine! Hindi naman talaga kita gusto, bored lang ako.”

Sineen ko na lamang ‘yun. Hindi ko na isinend ang dalawang letra na matagal ko ng gustong sabihin sa kanya-kaya lamang ay nag-aalinlangan ako.

Hindi ko na siya nireplayan. Hindi dahil wala akong internet connection o dahil time na ako. Hindi ko na siya nireplayan dahil nagmulat na ako sa katotohanan. Tuluyan na akong nagising at lumaya sa aking imahinasyon. Sadyang may mga bagay lang talaga na kapag mabilis mong nakuha ay mabilis ding nawawala.

Kung gaano kami kabilis nagkapalagayan ng loob, ganun din kabilis ko natuklasan na pinaiikot niya lamang ako sa kanyang mga palad. Isang laruan na kinahumalingan nung una ngunit agad ding tinapon sa kung saan, matapos mapagsawaan.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

(Visited 1 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments