Pag-iisa

Pag-iisa

ni Jamil Arjay Anda, HSSS |

Darating ang gabi
Kung saan iinumin natin ang serbesa
Kahit ito’y hindi pita ng ating katawan.
Lilibangin ang sarili
Hanggang kinabukasan.

Hihithitin at ilulura
Ang nauupos na tabako.
Uulit-ulitin hanggang
Mapagal ang baga.

Darating ang gabi
Kung saan mas manginit
Ang simoy ng bakagiit.
Kaya mas dadamihan ang serbesa
Para ibsan ang pangungulila,
Lilibangin ang sarili
Pero ito’y hindi aabot ng umaga.

Hihithitin ang mga tabako
Pero ang paglura
Ay ‘di kawangis ng una.
Ating natalastas
Na hindi na tayo gaanong nalibang
Ng tabako’t serbesa.

Dumating ang gabi.
Panahon ng taglamig.
Dinamihan ang serbesa,
Mas marami sa una’t pangalawa.
Isa pa lang ang nainom
Pero tayo’y sumuka na.

Nilabas ang dose-dosenang karton ng tabako.
Ilang beses humithit
Pero kahit isa walang nailura.

Sumabay sa lakas ng balaklaot
Ang ating panaghoy.
Ang dami nating gustong ihayag
Pero tayo’y walang mapaghayagan.
Pagsigaw ang pinakahali-halinang paraan
Pero sa bandang huli tayo’y napabulong ng…
“Hindi pala masasaklop
Ng hamog ng hagudhod na tabako
Ang lungkot na nagkukubli
Sa ating anino,
Hindi tayo maitatangay
Patungong kaligayahan
Ng isang gipos na serbesa
O mapaalab man lang
Ang init ng ating pag-iisa.”

(Visited 23,167 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments