Piyanista

piyanista

ni Jamil Arjay Anda, HSSS | “Ano kayang itsura niya mamaya? Maganda kaya siya? E yung suot niya, mamahalin kaya? Mamaya makikita ko na siya; makikita ko na mamaya yung mukha niyang maganda, yung labi niyang mapula, yung mga ngiti niyang nag paibig sa akin nung una kaming nagkita, yung mga mata niyang mapupungay na ang sarap titigan.” Bulong ni John sa kan’yang sarili habang inaayos ang kan’yang barong.

Maya-maya pa dumating na ang kan’yang matalik na kaibigan na si Jam na agad niya ring tinanong. “Hindi ako mapakali, pre gan’to ba talaga kapag nasa altar? Kinakabahan ako, baka mamaya mali yung magawa ko, hindi ko gusto na mapahiya siya sa harap ng maraming tao dahil nando’n lahat ng mga kakilala ko at kakilala niya… este niyo.”

Nagtaka si Jam at bigla niyang nasambit… “Pre ba’t ka kakabahan? Kasal naman namin ‘to ni Lyra, ako nga dapat yung kabahan e kasi ito na yung araw na inaantay naming dalawa. Kinakabahan ako kasi baka maiyak ako sa harap niya, mukha pa naman akong tanga umiyak dahil tulo uhog pa. ‘Wag kang kabahan, kilala kita at mas lalong kilala ka ni Lyra, bata pa lang kayo magaling ka ng piyanista. Kailan ka ba nagkamali sa pagkapa ng tipahan? Siguro nga sa tanan ng buhay mo hindi ka pa nagkamali e, kaya ‘wag kang kabahan. Alam naman namin na kaya mo ‘yan, alam kong gagalingan mo para sa amin ni Lyra.” Tumigil ang mundo ni John nung oras na ‘yon, dahil mukhang binalik ang kan’yang kaluluwa sa realidad.

“O-o pre. Gagalingan ko para sa inyo, kayo pa ba? Suportado ko nga pagmamahalan ninyo eh. Basta pre, mamahalin mo si Lyra ha? Dahil hindi mo alam na sobrang daming tao yung nagmamahal sa kanya at isa na ako ro’n… joke! Siyempre bilang kaibigan. HAHAHA sige pre, ayusin ko na yung piyano ko, maiwan na muna kita.” At paglabas ng silid ni John, do’n na bumuhos ang mga luha.

Bago siya pumunta sa kan’yang silid ito lang ang kan’yang napagtanto, “Akala ko puro saya lang ang mararamdaman kapag nasa isa kang kasal, dahil lahat ng tao masaya para sa dalawang taong nagmamahal, akala ko puro tawa at ngiti lang ang makikita mo kasi may dalawang puso na naman ang nabuo para maging isa, pero mali pala ako. Masarap sa pakiramdam na ikasal ka sa taong gusto mo, siguro gano’n yung nararamdaman ngayon ni Jam. Siguro kung ipinagtapat ko lang nang mas maaga kay Lyra na mahal ko siya, ako siguro yung katabi niya ngayon sa altar, hindi yung ako yung piyanista sa kanilang kasal. Kaya sa huling pagkakataon; Jam, Lyra, hahayaan kong patayin ninyo ako gamit ng pagpapalitan ninyo ng ‘Oo’ sa isa’t isa, at hayaan mong buhayin ko ang inyong kasal gamit ng aking musika, dahil ako ang inyong piyanista.”

(Visited 23,130 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments