Para sa Babaeng Susunod na Magmamahal sa Akin

Magmamahal sa Akin

ni Richard G. Macapayag | Kung ikaw na nga ‘yung babaeng sunod na magmamahal sa ‘kin, gusto kong malaman mo na….

Una, hindi ako gwapo. Hindi ako kasing-hot ni James Reid o Piolo at ‘di kasinglakas ng appeal ni Lee Min Hoo pero kaya naman kitang mahalin nang tapat at seryoso. ‘Wag mo ibaling ang pagmamahal sa panlabas na anyo. Hindi mata ang tumitibok kundi ang puso.

Pangalawa, mahirap lang ako pero sana hindi ka mahirapang mahalin ako hanggang dulo. Kaya lang kitang bigyan ng tigpipisong tsokolate, bulaklak na pinitas sa tabi at yayain ng date sa turo-turo. Hindi man kita mabigyan ng mamahaling bagay pero sinisigurado kong mamahalin kita nang todo.

Pangatlo, magaling ako magdrawing, ngunit hindi ibig sabihin na lahat ng magiging plano ko sa iyo’y magiging drawing na rin. Kung ano man ang maging pangako ko sa’yo, hindi ‘yun mapapako—PANGAKO!

Pang-apat, wala ako bisyo. Hindi ako umiinom ng alak, hindi ako naninigarilyo—pero kung dumating ka man sa piling ko, ang tanging magiging bisyo ko ay ang ibigin ka na walang bahid ng panloloko. Magpapakaadik lang ako sa’yo!

Pang-lima, mahilig ako magbasa ng Wattpad. Kaya kung maaari’y sabay na lang tayong magbasa at suportahan ang ating mga asawa. Suportahan mo si Pipay at Ariela ko, at susuportahan ko rin si Juanito, Deib, Kudos, at Supremo mo! Fictional character nga minamahal ko, ikaw pa kaya? Basta Wattpader, sweet lover!

Pang-anim, fanboy rin ako ng Blackpink at BTS. Kung naghihinala kang bakla ako, hindi yan totoo, sinusuportahan ko lang ang aking mga iniidolo lalo na ang Bias kong si Lisa at Rapmon. Hindi ako mawawala sa ‘yo in a BLINK of an eye, I will be your ARMY, ‘coz I will fight for you forever.

Pang-pito, hindi ako loyal. Sa pagmamahalan natin, dalawa kayong babae sa puso ko—ikaw at ang mama ko. Aaminin ko, Mama’s Boy ako pero ‘wag kang mag-alala dahil balang-araw magiging mama ka rin ng magiging anak nating dalawa.

Pangwalo, palagi akong naglalaro ng Basketball, pero hindi kita ituturing na bola na ipapasa ko lang sa iba. Bola lang ang lalaruin ko, hindi ang puso mo. Ibibigay ko sa ‘yo ang jersey ko para maangkin mo na ang aking apelyido at malaman ng iba na akin ka na.

Pangsiyam, mahilig akong magsulat. Hindi man ako kagalingan pero sisiguraduhin kong araw-araw kitang gagawan ng tula. Ikaw ang magiging inspirasyon ko sa bawat paghabi ng mga salita at ikaw ang magiging dahilan para makabuo ako ng isang akda. Pero alalahanin mo, tayo ang magiging bida sa kwentong isusulat ng pinakapaborito kong manunulat—-si Tadhana.

Pang-sampu, hindi ako talentado, pero mas lalong hindi ako tarantado. Kung nanaisin mo’y sasayawan kita kahit parehong kaliwa ang aking paa at kakantahan kita kahit ako’y sintunado para mapasaya lang kita.

Ilang beses na rin akong sinaktan at iniwanan, kaya siguraduhin mong hindi ka mang-iiwan at sasamahan mo ako hanggang walang hanggan. Durog na durog na ang puso ko pero sana ikaw na ‘yung babaeng muling bubuo nito. Kung pansamantala ka lang naman, ‘wag ka na lang magpakilala, ha?

Liligawan kita hindi para lokohin ka, paasahin at iwanan kundi liligawan kita para makasama kita tungo sa walang hanggan.

Alam ko kasi na ang pakikipagrelasyon ay hindi lang para makasabay ako sa uso kundi isa itong responsibilidad na kailangan kong gampanan hanggang dulo.

Binibini, nakilala mo na ako kaya pwede bang ikaw naman ang magpakilala para makasama na kita? Kung hindi mo tipo ang mga bagay na sinabi ko, hindi ikaw ang babaeng hinihintay ko. Ang kailangan ko lang ay isang Binibini na tatanggap sa ‘kin kung ano at sino man ako ngayon.

Kaya tandaan mo, Binibini…

‘Wag mo akong mamahalin kung hindi mo ako kayang tanggapin.


Posted on our FB Group: “Tula at iba pa – He Said She Said Philippines”

(Visited 106 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments