Tatlong Oras

Tatlong Oras

ni Maria Baladad

Tatlong oras matapos ang bawat sandali. Isa, dalawa, tatlo. Oo, alas tres, alas tres na ng madaling araw pero nandito pa rin ako.

Naghahanap ng mga sagot, sagot sa mga tanong na bumaon na sa puso ko. Sa tanong na sumaksak ng buong pagkatao ko.

Magsisimula ako, magsisimula ako sa kung paano nagsimula ang lahat. Sa kung paano mo ako sinanay sa piling mo. Sa piling mo na inakala ko’y walang hanggan. Walang hanggang saya, walang hanggang tuwa, walang hanggang pagmamahal. Oo, walang hanggan pero MAY HANGGAN!

Naaninag ng napupuwing kong mata ang litrato mo mula sa sulok. Hindi natinag ng agiw na nakapalibot sa paligid mo. Lumapit ako’t hinawakan ang litrato mo, litrato mo na kinupas na ng panahon. Pinampag ko ito at nilinisan.

Nandoon pa, oo nandoon pa ang mga ngiting batid mo’y walang dinadala, mga matang singkintab ng kristal, mukhang sing-aliwalas ng langit. Bakas sa litrato ang alaala. Alaala na hanggang alaala na lang talaga. Alaala na naging masaya. Mga ngiti na gumuhit sa labi mo. Mga oras na magkasama tayo. Tayo na naging ikaw na lang at ako. Ikaw na lang na nandyan at ako na lang din na nandito at wala na ang salitang TAYO.

Tumulo ang luha kasabay ng damdaming papalayo dahil yung ang dapat. Na kahit mahirap, kahit mali, kahit masakit ay dapat. Dapat ng bumitaw. Bitawan dahil sobrang bigat na. Oo at hindi ko na nga kaya. Sa haba ng pag-iisip, hindi napansin na nandyan na ang umaga. Sumisilip na ang araw at nawawala na ang gabi. Nawawala na ang gabi at nandyan na ang umaga. Umaga na mumulat sa akin na tapos na.

Tapos na at kailangan ng kumawala. Kumawala sa kadenang nakagapos sa kaluluwa. Isa, dalawa, tatlo, tatlong oras, tatlong araw, tatlong buwan, tatlong taon. Magtatatlong taon na rin pala. Tatlong taong nagpilit makalimot.

Ngayon kasabay ng umaga, bubukas ulit ang pinto, pinto na puno ng saya. Guguhit ulit ako ng alaala. Susuungin ko ulit ang malalim at mapanganib na mundo. Gagawa ako ng akda,akda na maipagmamalaki mo. Akda na ako ang simula at ako ang dulo. Kukulayan ko ang buhay ko ng pula, puti, ng berde, ng asul at aalisin ko ang itim. Itim na minsa’y bumalot sa akin.

Papatunayan sa iyo na kaya ko na. Kaya ko na kahit wala ka na. Sa huling bahagi ng sulat na ito, at sa muling paghawak ko ng litrato mo, nais kong sabihin, SALAMAT. Salamat sa lahat, salamat dahil binuo mo ang pagkatao ko.

Hanggang sa muli, muling pagkikita, muling pahina at muling pagbabangga aking sinta. 💓

Comments Go Here ▼

Comments