Gabing Madilim

Gabing Madilim Holding On to Something That Isn't There Anymore

Sa gabing madilim, nagsisilabasan ang mga lihim. Nanlalagim ang mga alaalang inilibing na sa limot. Nagbabalik ang mga gunitang iyong iniwan at dulot.

Gabi-gabi, bumabalik. Nagpaparamdam ng paulit-ulit. Gabi-gabi, tatangkain nito na pasukin ang pag-alala sa pag-iibigan nating dalawa. Hanggang sa malunod ako sa hatid nitong ligaya. Hanggang sa nananahan na ang paggunita; ang pagsilip sa nakaraan; ang pagsisid sa malalim nating pagmamahalan.

Sa gabing madilim, nagsisilabasan ang mga lihim: mga katanungan, mga sana at paano kung, ang iyong mga pangako, ang tayo.

Gabing Madilim 1

Mahal, sa ganitong kasintahimik na gabi, naaalala mo pa ba kaya ako? Sa ganitong kasintahimik na gabi, sinasambit mo pa ba kaya ang pangalan ko mahal o hindi na?

Mahal, sa kakapiranggot na sinag ng ilaw, ako ay umaasa pa rin na pwede pa. Na katulad ng ilaw, magningning ulit ang nagpusyaw nating pagmamahalan. Baka lang naman, mahal. Baka lang pwede pang isalba.

Mahal, tangan-tangan ko pa rin ang mga pangako mo at mga salita mo. Alalang-alala ko pa ang lagi mong sinasambit: “Mahal kita! Hinding-hindi kita iiwan. Ikaw lang, mahal.”

Ngunit, ako’y gigisingin ng busina ng reyalidad na wala ka na. Na iniwan mo na talaga ako. At sa puntong iyon, isang malalim na buntong-hininga na lang ang gagawin. Magigising sa mga kathang-isip. At babalik na naman sa reyalidad ng pag-iisa.

Kabalintunaan, na pansamantalang kaligayahan ang dulot nang pagsapit ng mga gabi. Sapagkat nagiging kaibigan ang bawat gabi dahil dinadamayan niya lagi ako sa pag-alala sa iyo at pagramdam ulit ng pag-ibig mo kahit wala ka na. Nagiging sandalan ang mga gabi sa isang pusong nangungulila at nabigo.

Sa gabing madilim, may isang taong umaasa pa rin at nagbabakasaling pwede pa kahit alam niyang lumubog na ang araw para sa kanilang dalawa.

– balong

(Visited 3,358 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments