Hindi Kita Mahal

by Jennilyn Padua | shared on He Said, She Said |

Hindi kita mahal, sadyang napapansin lang kita
Na nawawala na yung mga mata mo tuwing ika’y tumatawa
Na kapag napapangiti ako sa amoy ng hangin
Alam kong dadaan ka na kaya sa iba na ako titingin

Hindi kita mahal, napapatitig lamang ako
Tuwing nakikipagbiruan ka sa mga kaibigan mo
Tuwing nakakatulog ka sa upuan mo sa ating klase
Habang pinapakawalan mo ang mga matatamis mong ngiti

Hindi kita mahal, natutuwa lamang ako sa iyo
Kung paano mo pahalagahan ang mga taong malalapit sa iyo
Na kahit binibiro mo ako sa mga joke mong hindi mabenta
Hindi ko maiwasang hindi tumawa

Hindi kita mahal, malapit lamang sa akin ang iyong pamilya
Dahil lagi na tayong magkasama simula pagkabata
Hindi ba naglalaro pa tayo ng prinsipe at prinsesa?
Na nangakong magmamahalan hanggang sating huling hininga?

Hindi kita mahal, dahil naiinis ako sa iyo
Na wala akong magawa kapag ikaw na ang sumuyo
Napagbibigyan kita sa kahit na anong iyong gusto
Sukdulang masaktan pa ako ng todo-todo

Hindi kita mahal, naaawa lamang ako sayo
Dahil sa tuwing lalapit ka sa akin at manghihingi ng payo
Alam kong nasasaktan ka dahil hindi ka sa kaniya mahalaga
Tinatapik kita sa balikat at hinahayaang sa akin ka lumuha

Hindi kita mahal, pagka’t kaibigan mo ako
Walang karapatan, walang pwesto sa iyong puso
Kaibigan mo ako na gumagabay, tumutulak sa iyo
Upang makatakbo ka papunta sa taong minamahal mo

Hindi kita mahal, pero paano pag huli na?
Paano kung nahulog na ako sa mga kinang ng iyong mata?
Paano kung hindi ko naiwasang madala sa iyong pagpapahalaga?
Mali, hindi puwede, hindi ito tama

Hindi kita mahal, at hindi kita mamahalin kailanman
Ayokong isugal ang mayroon tayo dahil alam kong ika’y mahihirapan
Hindi kita papipiliin, kung siya o ang matalik mong kaibigan
Dahil sa huli pareho lamang tayong masasaktan.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

(Visited 1 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments