Mahal, bakit ka ganyan?

by Jezreel E. Del Rio | shared on He Said, She Said |

Mahal, bakit ka ganyan?

Kasama kita pero tila iba naman ang iyong nais na kasama.
Panay ang sulyap mo sa relo na nasa pulsuhan mo!
Maging yung pulso mo na para sakin ay nanahimik na yata ngayon.
Yung dating oras na hindi natin namamalayan kada magkasama tayo.
Pero ngayon parang gusto mo ng matapos yung oras na kasama mo ako.

Mahal, bakit ka ba ganyan?

Hindi ka nakikinig sa mga kwento ko na tila may ibang kwento ng naglalaro sa isipan mo
Na kada hihingi ako ng opinyon o sagot sayo,
Ang tanging maririnig ko lang ay:
“Ah oo. Haha”
“Ang galing”
“Talaga?”
“Ah. Okay.”
Ano na?
Kahit isang pangungusap lang ba hindi mo kayang ibigay?
Yung dati na magpapadala ka ng mensahe na pagkahaba-haba pero ngayon halos isang linya na lang.
Yung mga usapan nating hindi matapos-tapos noon,
Ay ang bilis mo na ding tinatapos ngayon na maging yung “tayo” ay gusto mo na rin atang tapusin.

Mahal, sabihin mo kung bakit ka ganyan?

Nawawala na yung ngiti na umaabot sa iyong mata,
Kaya hindi ko na din makita yung kunot na balat sa tabi ng iyong mata.
Nawawala na yung mga kislap sa iyong mata kada tumatawa ka.
Naiiba na yung tunog ng halakhak mo.
Iba na rin ata yung gusto mong magpatawa sayo.
Naiiba na lahat sayo.

Mahal, sabihin mo na kung bakit ka ganyan?

Bakit wala ng pagmamahal yung pagsambit mo ng mga pangalan ko?
Tila isa na lang ata akong ordinaryong tao na kakakilala mo pa lamang.
Yung halos ayaw mo ng sambitin ang pangalan ko dahil naiilang ka na ata.
Mahal, diyan pa lang sa ginagawa mong yan unti unti ng kitang hindi maramdaman.

Mahal, sabihin mo naman bakit ka nagkakaganyan?

Na kada yayakapin kita ay para na kong yumayakap sa bato.
Wala man lang ako makuhang sagot sa yakap ko sayo,
At pakiramdam ko ay pinapalad ng hangin yang braso mo sa iba, sa gusto mo talagang yakapin.
Hahawakan ko ang mga kamay mo, sabay bigla mo na lang inaalis.
Kasabay ng paghawak ko ay siya rin namang pagbitaw mo.
Yung kamay mo na tila yelong hinahawakan ng mainit na palad ko.
Yung kamay mo na kapag kinakapitan ko ay unti unti na atang naglalaho at natutunaw.
Malapit ka na atang bumitaw.

Mahal, sabihin mo naman kung bakit ka nagkakaganyan?

Yung sasabihan kita ng “Mahal kita.”
Sabay sasagot ka din ng “Mahal din kita” ng hindi tumitingin sa aking mga mata.
Yung pagsagot mo ng “Mahal din kita” na tila wala ka ng nadarama.
Na sadyang nakasanayan mo na lang ata.
Na dapat mo na lang sagutin dahil kinakailangan.
Hindi na kita maramdaman.
Unti-unti ka na bang lalayo?

Mahal, sabihin mo naman sakin kung bakit ka nagkakaganyan?

Ayaw mo na ba?
Napapagod ka na sigurong intindihin ako.
Pagusapan naman muna natin `to.
May iba na ba?
Hindi mo na ba ko mahal?
Hindi na naman ata ako importante sa`yo.
Kailangan ko lang yung mga paliwanag mo para hindi na ko mukhang tangang kumakapit pa sa`yo.
Iniintay ko lang na sagutin mo yung mga bakit ko, papakinggan kita hanggang sa matapos ka ng magpaliwanag.
Iniintay ko lang din na manggaling sa`yo yung pangungusap na “Mahal, ayoko na. Hindi na kita mahal.”
Para naman sa pagbitaw mo ay bibitaw na rin ako,
Dahil alam kong hindi na kita pwedeng ipaglaban pa.
Hindi ko na puwedeng ipilit pa.

Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

(Visited 1 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments