Mahal Ko

by Vi Ora | shared on He Said, She Said |

Hindi inakalang ang “tayo” ay magsisimula.
Hindi rin inakalang ang “tayo” ay magtatapos.
Hanggang ngayo’y nalilito’t nagtataka,
Bakit nga ba ang “tayo” ay pinagtagpo?
Kung sa huli ang “tayo”,
Ay paghihiwalayin din pala?

Ang dating kay tamis, ngayon ay kay pait.
Ang dating kay liwanag, ngayon ay kay dilim.
Ang dating kay linaw, ngayon ay kay labo.
Ganito ang ating pagmamahalan.
Ang dati na buo, ngayon ay pira-piraso.
Pilit inaayos, ngunit lalong gumugulo.
Pilit binabalik sa dati, ngunit lalong nababago.
Pilit pinanghahawakan, ngunit lalong nawawala.
Mahal ko,
Ano pa ba ang aking dapat gawin?
Kung sa aking bawat pagkapit,
Ay siya mo namang pagbitiw.

Naaalala pa ang panahon,
Nang sinabi mong kailangan mong lumisan.
Ang puso ko’y puno ng pangamba’t takot,
Ngunit ika’y hinayaan,
Para sa iyong kasiyahan.
Tandang-tanda pa,
Nang sinabi mong…
“Hintayin mo ko, babalikan kita.”
Sayo ako’y nagtiwala;
Sa muli mong pagbabalik,
Ako’y matyagang naghintay.

Totoo.
Ikaw nga ay nagbalik.
Ngunit ang iyong pagbabalik,
Ay hindi para sa akin.

Nagtatanong ang puso,
Ako’y saan nga ba nagkamali?
Nagtatanong ang isip,
Ako’y saan nga ba nagkulang?
Pagkat sa aking batid,
Lahat ng iyong hiling ay aking ibinigay.
Hindi pa ba sapat na ako’y naghintay?
Hindi pa ba sapat na ako’y nanatiling nandito?
Nanatiling nandito para sayo.
Nanatiling nandito para ika’y mahalin?
Pagkat hindi ko na alam.
Hindi ko na alam ang dapat pang gawin,
Kung paano pa maibabalik sa dati,
Ang ikaw.
Ang ako.
Ang “tayo”.
Kung ang naririto na lamang ngayon…
Ay ako.

At ngayo’y iyong hiling,
Panahon para makapag-isip.
Panahon para mahanap ang sarili.
Panahon para mabatid.
Mabatid, kung ako pa ba ang sinisigaw ng iyong isip.
Mabatid, kung ako pa ba ang tinitibok ng iyong puso.
Pagkat ang sabi mo nga’y,
Hindi mo na alam.
Hindi mo na alam, kung gaya pa ba ng dati.
Hindi mo na alam, kung tama pa bang manatili.
Kay sakit, pagkat hindi mo na din ata alam..
Hindi mo na din alam,
Kung paano ako mahalin.

At ngayo’y iyong hiling,
Na kung maaari, sa hindi mo paglingon,
Ako’y manatiling nandito.
Na kung maaari, sa iyong paglayo,
Ako’y manatiling maghintay.
Na kung sakaling bumalik sa akin,
Sana muli ika’y aking matanggap.
At sino nga ba ako,
Para isang katulad mo’y tanggihan.
Ang isang katulad mo na walang ginawa,
Kundi ako’y mahalin, alagaan at protektahan…
Dati.
Dati, sapagkat ngayon,
Ay madami nang nagbago.
Ikaw.
Ako.
“Tayo”.

Ngunit Mahal ko,
Asahan mong sa kabila ng lahat,
Isang bagay ang hinding hindi magbabago.
Isang bagay ang mananatiling sayo.
At iyon,
Ay ang aking puso.
Na mananatiling buo.
Na naghihintay sa ‘yo.
Na nagmamahal sa ‘yo.
Na nagtitiwala.
Nagtitiwala na ang “tayo” ay hindi pa tapos.
Na ang “tayo” ay hindi hanggang dito na lang.
Na ang “tayo” ay walang hangganan.

Mahal ko,
Asahan mong ako ay mananatili.
Mananatiling nandito,
Para sa iyo.
Para sa “tayo”.

Mahal ko,
Asahan mong ako ay maghihintay.
Maghihintay hangga’t sa muli mong masabi.
Masabi ang mga katagang…
Mahal Ko.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

(Visited 1 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments

SHARE
Previous articleTama Na
Next articleMapagbirong Tadhana