Masakit Pala Ang Mabigo

by  Ian Laurio Labido | shared on He Said, She Said |

Gusto kong balikan ang mga bakas;
mga bakas ng kahapong lumipas,
mga araw na ako’y wala pang takot sa dala ng bukas.
Na para bang isang ibong takas,
walang takot lumipad ng mataas.
At katulad ng isang sanggol na
kapag gutom na’y iiyak lang ng malakas.

Gusto kong balikan ang mga alaala
ang mga panahong wala pa akong inaalala,
walang ibang iniisip sa pag lalaro lang abala,
mga araw na hindi ko pa alam ang salitang ‘MAHAL KITA’,
mga araw na wala ka pa; wala pang masasakit na iksena.
mga araw na wala pa siya; tanging kalaro ko lamang ang kontrabida.

Gusto kong balikan….
Gusto kong balikan ang mga nagdaan..
Mga araw na ang puso ay hindi pa nasaktan,
mga araw na walang ikaw, walang kayo,
tanging sugat lamang sa tuhod ang iniiyakan.
Mga araw na habulan, taguan at hindi pag ibig ang pinagpapaguran,
Mga araw na pag igib ng tubig at hindi sa pag-ibig nabibigatan…

Mga araw na ako lang!
Sa huli, ang hinahanap sa larong taguan,
ang hinahabol sa larong habulan.
Marahil ika’y naguguluhan…
ako rin ay nahihirapan,
kay tagal ko nang pinapasan
itong bagaheng tanging pag-asa ang laman
Subalit, wag mo nalang sanang isipin aking sinta
pagkat ang nais ko lang sabihin
na sa lahat ng mainipin
ako na ang pinaka.
Kung kaya naman sa laro,
ayaw na ayaw kong maging taya;
ayukong mag bilang ng mahaba
ayukong mag hanap ng wala,
ayukong mag habol sa taong gustong kumawala.
Ngunit, marahil ako ngayon ang taya.
Ang taong mainipin noon,
ngayo’y patuloy na umaasa sa wala..

Nagaantay sa taong di naman umalis,
naghahabol sa taong di naman lumayo,
at nag hahanap sa taong di naman nagtatago..
Masakit pala’ng mabigo.

(Visited 1 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments