Matatagpuan din kita!

Matatagpuan-din-kita

ni Nindz Mape

Sa mga gabing tulad nito na tanging awit lamang ng mga kuliglig at kaluskos ng hangin ang naririnig, na tanging ang liwanag ng buwan ang nagiging ilaw ng paligid, minamasdan ko ang nagtatalik na mga tala at dilim sa langit.

Tumitingala ako hindi upang bilangin ang bilyun-bilyong bituin kundi upang masdan ang kanilang ningning. Tinatanaw ang pinakamaliwanag na kayang makita ng dalawang mata. Iyong napakaganda na para bang napakasarap hagkan. Parang napakalapit lang pero ang totoo niyan milya-milya ang distansya mula sa kinatatayuan. Minamasdan ang pinakamaningning na bituin hanggang sa ito’y ipagkait sa akin. Tabunan ng maiitim na ulap, tangayin sa dulo, iligaw at mawala sa paningin.

Kapag gano’n, nagsisimula na akong magbilang ng isa hanggang sampu habang unti-unting ibinubuka ang mga daliri sa nakatikom na kamay kasabay ng pag-alala sa mga alaalang binabalikbalikan. Umaasa na sana’y ibalik ng ulap ang ipinagkait na saya. At kapag umabot na nga sa puntong pagod na sa kakabanggit ng mga numero. Pagod na sa kahihintay. Nangangalay na ang leeg at ulo sa katitingala. Pagod na pagod na sa kakaasang babalik pa ang dapat na makita, naaalala kita.

Naaalala kita na itinuturing kong prinsesa sa sarili kong kaharian na kahit ang mga letra, tula, akda, at mga ideya mula sa aking imahinasyon ang siya lamang na kayamanan. Ako ang iyong prinsipe na tapat at totoong nagmamahal mula simula hanggang magpakailanman.

Naaalala kita. Ang bawat detalye ng iyong mukha mula noo hanggang baba dahil araw-araw ikaw ang nakikita ng mga mata. Mula paggising hanggang sa paghimbing at minsan umaabot pa sa kailaliman ng panaginip. Ang kislap ng nagniningning na mata sa tuwing masaya na para bang yung bituin na pinakamaganda. Ang tamis ng ngiti na para bang walang kinikimkim na problema o pighati. At ang nagsasalubong na mga kilay sa tuwing naiinis at nagagalit ka na. Ang malambot mong pisngi at malapad mong noo na pwede nang gawing paliparan na madalas nilalandingan hindi ng eroplano kundi ng mga halik ko. At ang labi mo na minsan ay natutuyo na lang dahil hindi ko pa nahahalikan.

Naaalala kita na ginagabayan ako sa bawat pagtahak ng bagong daan, sa bawat pagabante, pag-atras, pagliko sa kaliwa o sa kanan. Sa bawat pagtaas at pagbaba ng tubig sa karagatan. Sa bawat paghampas ng mga alon dalampasigan habang tangay papalayo ang mga alaalang gusto nang kalimutan, nakasulat sa pinong buhangin at nakaukit sa batuhan. Ikaw ang aking pangatlong kamay na tumutulong sa pagsusulat o di kaya nama’y paghahanap ng nawawalang pahina ng libro ng buhay. Ikaw na nagiging ilaw at liwanag sa dilim, bahaghari pagkatapos ng malakas na ulan, isang lubid na makakapitan sa oras ng kagipitan.

Naaalala kita kasama ang mga espesyal na araw sa buhay ko at buhay mo. Minarkahan hindi lang sa kalindaryo kundi maging sa aking isip at puso. Naaalala mo pa ba no’ng unang beses kitang pinag-alayan ng tatlong pulang rosas sa araw ng iyong kaarawan? Naaalala mo pa ba no’ng unang beses akong tumula na ang tema ay “Kayo”? Ang bawat monthsarry na madalas wala akong maibigay na bonggang regalo. Yung unang Valentine’s Day na wala akong naibigay na rosas kaya bumili nalang ng Stick-O para kahit papaano’y may iuuwi ka maliban sa matatamis na ngiti sa labi. Hindi mo naman kasi ako pwedeng iuwi eh. Hayaan mo. Babawi ako. Balang araw ay maisasayaw din kita hindi sa ilalim ng mga naglalarong bombilyang may ibat ibang kulay kundi sa ilalim mismo ng nagtatalik na mga bituin, buwan at kalangitan. Hindi man ako marunong sumayaw ngunit para sa’yo handang mapagod ang mga paa ko sa pagsabay sa ritmo. Kahit na parehong kaliwa ang mga ito, kahit makailang ulit pa akong magkamali sa pagsayaw wala akong pakialam basta sasabayan natin ang himig ng musika. Ayaw ko kasing matulad sa iba na sa panaginip nalang isinasayaw ang kanilang kapareha. At ang mga araw na magkasama sa contest. Sabay na lalaban at sabay ring aakayat sa entablado upang kunin ang karangalan. Relationship Goals ‘ika nga naman.

Sa mga gabing tulad nito na tanging awit lamang ng mga kuliglig at kaluskos ng hangin ang naririnig, na tanging ang liwanag ng buwan ang nagiging ilaw ng paligid, minamasdan ko ang nagtatalik na mga tala at dilim sa langit.

Tumitingala ako hindi upang bilangin ang mga bituin kundi upang masdan ang kanilang ningning. Hinahanap ko ang pinakamaliwanag na kayang makita ng dalawang mata. Iyong napakaganda na parang napakasarap hagkan. Parang napakalapit lang pero ang totoo niyan milya-milya ang distansya mula sa kinatatayuan. Minamasdan ang pinakamaningning na bituin hanggang sa ito’y ipagkait sa akin. Tabunan ng maiitim na ulap, iligaw at mawala sa paningin.

Pero alam mo, kahit ganoon umaasa pa rin ako na muli kitang makikita. Kaya Mahal, umasa ka rin na hindi mawawala ang nag-iisang taong tumitingala sa’yo. Titingalain kita hanggat kaya ko. Pagmamasdan kita hanggat may mga mata ako. Mamahalin kita hanggat nabubuhay ako. Tabunan ka man ng ulap, iligaw, tangayin sa dulo, isa lang ang sigurado ko. Matatagpuan din kita. Muli tayong magkikita. Mamahalin kita!

Comments Go Here ▼

Comments