Paggising

by Ms. B  | shared on He Said, She Said |

Gumising ako isang umaga,
tila may tangang milyong patalim sa dibdib,
buhol buhol ang sikmura,
may mga pasa ang kaluluwa.
Hindi ako makagalaw.
Ayaw kong gumalaw.
Tinakasan ako ng lahat ng pagnanasang gumalaw.
Nais ko lang manatili sa ganung posisyon,
mata sa kisame, utak sa kawalan.
Mugto na ang mga mata ko sa walang habay na pag-iyak.
Hindi ko magawang huminto.
Tila yun lang ang kaya kong gawin.

Maya-maya pa narinig ko na ang ingay ng mundo.
Umpisa na ng araw.
Babangon ba ko?
Maaari bang ‘wag muna?
Hayaan nyo muna akong yakapin ang lungkot,
ang sakit ng pagbagsak.
Puro pasa pa ang kaluluwa,
may mga patalim pa sa dibdib,
buhol buhol pa ang sikmura.

Ipinikit ko ang aking mata
Gusto kong tumakas.
Bahala ang mundo kung gusto nyang gumalaw.
Gusto ko munang huminto kahit sandali lang.
Gusto kong huminto.

Ngunit nagsasayaw na ang aking diwa
sa saliw ng musika ng gumagalaw na mundo.
Wala itong pakialam kung sugatan pa ako,
o wala pa kong lakas bumangon.
Tuloy ang mundo sa paggawa ng kanyang ingay.
Walang sasayanging sandali para hintayin ako,
hintaying maghilom ang mga sugat ko.

Dahan dahan, isinuko ko ang hindi paggalaw.
Nagmulat ng mata,
nakinig,
nakiramdam.
Sa utak, may munti pang pagtatalo.
Sa puso, tuluyan na ang pagsuko.
Pagsuko sa hindi paggalaw.
Sa puso, may pagsibol na ng pag-asa.
Huminga nang malalim.
Kaya pa.
Kakayanin pa.
Lilipas lahat ng bagay.
Mawawala ang mga pasa sa kaluluwa.
Ang mga buhol sa sikmura
mapapalitan muli ng mga paru-paro.
Matatanggal ang mga patalim sa dibdib.
Maghihilom ang mga sugat.
Mapapalitan muli ng saya ang lahat ng sakit.
Magmamahal muli.
Ang kailangan ko lang gawin ngayon ay bumangon.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

(Visited 1 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments