Pakiusap

by Sendo Luminoso | shared on He Said, She Said |

Sa paglisan ko ngayon…
Iiwan ko sayo ang isang parte ng aking puso…
Asahan mong hindi ko babawiin ito kahit kailan,
Dahil ito’y nakalaan para sayo lamang.

Lalakbayin ko ang hinaharap na kahit kulang
ng isang bahagi sa pagkatao ko ay ayos lamang sapagkat
ang halimuyak ng hangin at sidlak ng araw ang magiging kakampi ko.
Panatag akong nasa taong pinakamamahal ko
ang kapilas ng kung sino ako.
Tanggapin mo sana itong damdamin
na mag-iiwan sayo ng lahat nang kung anong meron sa akin.
Mahal, kahit kapiraso lamang itong sandali
na pinagsaluhan natin sa ating mga lunggati,
Mananatiling ikaw ang aking mga bituwin sa mga gabi.
Mahal, nais kong malaman mo na hindi kayang tumbasan
ninuman ang pag-ibig na inalaan ko
para sa ‘yo dito sa mundo ng mga mortal
At walang anumang hugot o tulang mas bibigat pa
ang makakahigit sa mga panahon na ika’y
nakasama sa mundo nang haraya.

Tanggapin mo at sana ay dinggin
Ang sigaw nitong puso ko na nilalamig
sa ihip ng hangin,
Kahit madalas akong biguin
ng mga bituwin,
mahal,…
Mahal,…
Ikaw at ikaw parin.

Alam ko na malabo na maulit muli
Ang mga masasayang sandali
sa piling ng iyong mga ngiti.
Sa aking paglisan ngayon, mahal,
Iiwan ko ang katahimikan diyan sa puso mo.
Pinalaya ko na rin ang nahapo kong damdamin,
Pagkayamot at galit na pilit kong buburahin,
ngunit hindi ang kung sino ka sa akin.
Lilisan ako mahal, upang mabuo ka.
Dahil pangarap ko ang makita kang masaya.
Huwag kang malungkot,
Labanan mo ang mga takot,
Huwag kang magpasilo sa lumbay,
sa mga dighay at dagok ng buhay.

Pakiusap mahal ko…
Magpakasaya ka…
Sa larangan ng pagtutula…
Ikaw ang pinakahinahangaan ko, tinitingala.
Wala man ako ngayon sa pinakamahalagang araw mo,
Mahal, iniisip kita mula rito sa kinatatayuan ko
Ako ang higit na masaya sapagkat nadarama ko
mula dito ang ngiti sa iyong mga mata.
Pakiusap mahal ko…
Magpakabuhay ka nang puno ng pagasa
at liwanag sa iyong puso.
Huwag puyatin ang isip sa paghikbi,
Pakiusap mahal ko…
Magpakatatag ka…
Hangad ko’y mahanap mo ang tunay na pagibig…
Na sa kanya mo lang masasandalan…
Ang bigat na ‘yong dinadala…
Hindi man ako ‘yon
Wag mag-alala, tinanggap ko na.
Pero hayaan mo lang sana
na mahalin pa rin kita ngayon…
Na mahal parin kita hanggang ngayon…
Kahit hindi kana lumilingon.

Tandaan mo mahal ko, na kahit anumang distansiya
ang pumagitna sa akin sayo…
Bayuhin man ng bagyo
Kapag sumuko na sayo ang mundo,
Tandaan mo…
Nandito parin ang kapirasong ako na hindi nabuo
pagkat naiwan ko ang lahat ng kung anong meron
sa akin diyan sa piling mo.
Oo, mahal kapag sumuko na sayo ang mundo,
Ibibigay ko ang huling meron sa akin upang ika’y mabuo.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.
Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right approve or reject submissions for posting.

(Visited 1 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments