Panaginip sa Aking Panaginip

panaginip

ni Andie Menderson |

Isang araw gumising ako nandyan ka pala, kumakatok kung maaaring pumasok sa buhay ko, dahil bigla mong ginising ang natutulog kong puso, eto ako pinagbuksan ka, pinatuloy sa pag-aakalang nais mong dito ay mamalagi. Tumigil ang pusong maghintay sapagka’t ika’y nariyan na. Tumigil magmahal ng iba dahil sayo lamang puso ay sumaya.

Noong araw ding yon, pinangako sa aking sarili na kailanma’y hindi ka iiwan. Nababanaag sa ating mata ang tuwa at saya na tayo’y magkasama, parehong iisa ang nadarama, gusto kita at gusto mo ako.

Hinawakan mo ang kamay ko at sabay tayong bumuo ng plano, na sa’ting pagtanda tayo pa din ang magkasama. Yakap mong kay higpit na tila isang mahika na nagpalaho sa takot na ating nadarama. Takot na baka dumating ang araw na iwan kita o iwan mo ako. Ngunit sabay nating pinangako na tayo’y iisa, magkasama at walang iwanan.

Pareho tayong nabigo sa ating nakaraan, pareho tayong nilisan ng mga inaakala nating magtatagal, kaya siguro pareho tayong pinagtagpo ng tadhana upang pareho nating makasama ang isa’t-isa.

Ngunit isang araw, sa hindi inaasahan muli akong nagising, at sa pagkakataong ito sakit ang nadama dahil hindi iyong pagpasok sa puso ang nagpadilat sa aking mga mata ng katotohanan, ngunit ang iyong paglisan. Sa pag-gising ko sa oras na ito ay nagising din ako at nakita ang realidad na lahat ng mga iyon ay tanging panaginip na lamang. Ang pusong tumigil maghintay ngayo’y napagod na. Ang pusong tumigil magmahal ng iba ngayo’y nasasaktan na.

Ang pangako sa aking sarili na kailanma’y di ka iiwan ay tila nanatili dahil hindi inaasahang ikaw pala ang mang-iiwan. Ang mga mata na nababanaagan ng tuwa at saya ay napalitan ng luha at lungkot. Kung noon ay iisa ang nadarama, ngayon ay iisa nalang ang nagmamahal dahil ang isa ay lumisan na. Mahal kita, mahal mo na sya.

Ang mga kamay mong humawak sa akin noon ngayon ay bumitaw na upang hawakan ang kamay ng iba at sa kaniya tuparin ang mga planong ating magkasamang binuo. Ang takot na naglaho noon dahil sa higpit ng yakap mo ay biglang nanaig at ngayo’y bumabalot sa akin. Katulad ng aking nakaraan, ako’y iyong binigo. Katulad nila ikaw ay lumisan at sa iba ay sumama. Ngayo’y tinatanong ang tadhana, bakit nga ba tayo ay kaniya pang pinagsama kung hindi rin naman tayo ang magkasama pagtanda?

Ito pala ay isa lamang panaginip sa loob ng aking panaginip at nandito ako ngayon sa realidad na lahat ng ala-ala na yon ay mananatili na lamang isang mabigat at masakit na panaginip. Ngunit bakit sa puntong ito ay mas nais kong manatili sa panaginip kaysa sa realidad kung saan naninirahan ang katotohanan?

Hindi ko malaman kung alin sa dalawa ang aking pinagsisisihan. Ang araw na ikaw ay pinapasok sa aking buhay o ang araw na sana ay hindi nalang nagising para ikaw ay nasa piling ko pa?

Panaginip

(Visited 5,585 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments